Bright news
ANG isang pamana ni President Cory ay ang muling pagkamulat ng damdamin ng bayan sa malinis at mara-ngal na pamamahala. Kaya higit na mainipin ang tao ngayon sa mga kabalbalan ng administrasyon. Kung ang mga ZTE-NBN scandal, fertilizer fund scam, Hello Garci at iba pa ay hinayaan lang ng walang imik, mukhang itong mga pagmamalabis at luho sa biyahe, pagkain at pulitika ay hindi tatantanan. Balik masaklap na katotohanan tayo matapos ang ilang linggong paggunita at pagsariwa sa ating katapangan nang mga nakalipas na panahon.
Hindi naman puro masama ang balita ng administrasyon. Heto’t may maaliwalas na kuwento mula sa Mindanao. Sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat, may kuryente na ang mga naninirahan. Balita ito dahil hanggang 2007, kandila at kerosene power pa rin ang karamihan ng naninirahan sa Palimbang. Kabilang ang bayang ito sa mga hindi konektado sa National Grid – iyung mga higanteng mala-robot na torre na tangan ang mga transmission lines sa mga main corridors mula Luzon hanggang Mindanao. Lugi pa kasi ang mga distributor ng kuryente tulad ng Meralco o ng mga electric cooperative kung magpatayo sila ng mga distribution lines at matataas na poste para lang serbisyuhan ang mga paisa-isang bayan. Mas mahal pa ang halaga ng poste at ng labor kaysa kikitain nila sa mga maliliit na komunidad. Mantakin namang hindi pa umaabot ng P50 a day ang average na kita ng mga magsasaka?
Marami pang bansa ang nasa ganitong “chicken or the egg situation”. Kung hindi umasenso at dumami ang bilang ng residente, hindi magiging sulit ang paglagay sa kanila ng kuryente. Kung wala namang kuryente, paano naman magkakaasenso na maghihikayat sa taong du mayo at lumago?
Kaya hulog ng langit ang proyekto ng Department of Energy sa pakikipagtulungan ng US Government Alliance for Mindanao Off-Grid Renewable Energy Program (AMORE) na nagbigay ng mga solar powered battery sa halos kala-hati ng 40 barangays sa Palimbang. Ang pinakamurang source ng kuryente – ang mismong araw – ang nagbibigay liwanag ngayon sa kanilang bayan. Kung dati’y buong henerasyon ang nabubuhay at namamatay nang hindi man lang nakakakita ng bumbilya ng ilaw, ngayon ay dala-dalawa ang bumbilya, may radyo na at may black and white TV pa!
Hindi masukat na pagbabago ang hatid ng ganitong katiting na kabutihan, bunga ng simpleng ideya. Mura na at malinis pa. At maari itong gayahin ng iba pang mga barangay na nagtitiis. Magandang balita – parang nag-iisang bumbilya sa gitna ng malawak na kadiliman.
DOE and AMORE Grade: Very Bright!
- Latest
- Trending