DATI isang linggo lang kung ipagdiwang ang selebrasyon ng Wikang Pambansa — ang Filipino. Noon sa mga school, sa loob ng isang linggo ay bawal magsalita ng English. Pagmumultahin ang magsasalita ng English. Ito raw ay bilang paggalang sa wikang pambansa. Pero ngayon, baliktad na ang nangyayari sapagkat may mga school diumano na pinagbabawal magsalita ng Filipino ang mga estudyante. Pagmumultahin daw ang magsalita ng Filipino. Kaya raw maraming bobo sa English ay dahil laging Filipino ang ginagamit sa pakikipag-usap. At tila nga may katotohanan sapagkat may mga mambabatas naman ngayon na gustong ibalik sa English ang medium of instruction. Bale ang Filipino language ay pangalawang wika na lamang.
Kung maari lamang mabuhay ang mga patay, maaaring isa si President Manuel L. Quezon sa babangon at kanyang kokondenahin ang ginagawang pagbalewala ng mga kasalukuyang namumuno sa wikang pambansa. Masyadong minahal ni Quezon ang wikang sarili kaya naman siya ang tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa”. Si Quezon kahit na may lahing Kastila ay masyadong mahusay sa pagsasalita sa sariling wika. Sumunod na presiden- teng may pagmamahal sa sariling wika ay si Ferdinand Marcos na ang lahat ng mga pangalan ng departamento ay ipinasalin sa Tagalog o Filipino. Siya rin ang presidenteng nakapagtalumpati ng tuluy-tuloy na gamit ang wikang sarili.
Sa kasalukuyang administrasyon, walang makitang pagyabong ng sariling wika at bagkus ang English pa ang kanilang pinauunlad. Nawala na ang mga paligsahan sa malikhaing pagsulat ng kuwento, sanaysay at tula na sana ay ginagawa tuwing buwan ng wika. Nararapat na ang pamahalaan ang manguna sa mga proyektong ito para naman mahikayat ang mga kabataan na mapayabong ang wikang sarili. Nasaan ang Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang ahen siyang may kinalaman sa pagpapalaganap ng wika?
Sa aming panig, malaki ang aming kontribusyon sa pagpapalawak ng wikang pambansa sapagkat araw-araw kaming binabasa ng milyong Pilipino. Mayroong nagmamaliit sapagkat kami raw ay tabloid lamang pero tingnan ang aming kontribusyon sa pagpapalaganap ng Wikang Pambansa.