KASO ito ni Suzy. Inakusahan siya sa paglabag sa Sec. 5, Art. II ng RA 9165 dahil nahuling nagbebenta ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation.
Habang nililitis, tumestigo si PO1 Tess ng lokal na District Drug Enforcement Unit (DDEU) kung paano ginawa ng kanyang grupo ang buy-bust operation. Noon daw Nobyembre 5, 2002, isang impormante na hindi niya ki-lala ang dumulog sa kanilang tanggapan at sinabing nakatayo si Suzy sa gilid ng kalsada sa kanilang bara-ngay at nagbebenta ng droga.
Ayon pa kay PO1 Tess, nang malaman ito ng kanilang hepe, agad itong bumuo ng isang grupo na magsasagawa ng buy-bust operation. Siya ang nagpanggap na bibili ng droga. Si PO1 Bert ang tumatayong team leader at sina PO1 Gerry at Fil ang iba pang miyembro ng grupo. Binigyan siya ng P500 na gagamitin pambili ng droga. Minarkahan niya ito ng “TBR” bilang tanda. Bandang alas-kuwatro ng hapon, pumunta ang grupo sa lugar na pinagbebentahan ng droga. Naglakad ang impormante at lumapit kay Suzy. Nagkanya-kanyang puwesto naman ang mga operatiba. Si Suzy noon ay nakatayo sa gilid ng kalsada. Sinabihan siya ng impormante na “kaibigan ko i-iscore daw siya” sabay turo naman kay PO1 Tess. Tinanong siya ni Suzy kung magkano ang bibilhin. Sagot naman nito ay P500 sabay abot ng markadong pera. Inabutan siya ni Suzy ng isang maliit na plastik na pakete. Mula sa kung saan, isang lalaki ang lumapit at sinabing gusto rin niyang maka-“score”.
Sinenyasan ni PO1 Tess ang kanyang mga kasama sabay yakap kay Suzy. Nagpakilala siyang pulis at hinuli ang babae. Agad naman na lumapit ang grupo. Kinuha ni PO1 Bert kay Suzy ang markadong P500. Pabalik sa presinto, minarkahan naman ni Tess ang pakete ng droga. Ang markadong pera ay ipinatago ng grupo sa pulis na nakatalagang desk officer noon samantalang ang droga naman ay dinala sa laboratoryo ng PNP upang ipasuri. Ayon sa ulat na may petsang Nobyembre 8, 2002, positibo na shabu ang laman ng pakete.
Tinanggi ni Suzy ang paratang sa kanya. Wala raw siya sa lugar ng krimen. Hindi siya pinaniwalaan ng korte at hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo. Mas pinaniwalaan ng hukuman ang prosekusyon. Tama ba ang korte?
MALI. Sa paglilitis sa mga kaso ng illegal drugs, ang pinakaimportante sa lahat ay ang mapatunayan na talagang ipinagbabawal na gamot ang sangkot at ang katauhan ng taong sinasabing nagbenta nito. Kailangang sundin ang tinatawag na “chain of custody”. Ayon din sa ating batas, kailangan ng pahayag ng lahat ng may kinala man sa pagkakahuli. Mula sa oras na makuha ang droga hanggang sa maisumite ito sa korte, kailangang tumestigo ang lahat ng humawak dito. Kailangan din na patunayan ng nasabing mga testigo na walang gumalaw sa ebidensiya.
Sa kasong ito, walang pisikal na imbentaryo o retrato man lang na makapagpapatunay na ang droga at ang pera ay kinuha mula kay Suzy sa presensiya ng kanyang abogado, kinatawan, kinatawan ng Department of Justice o kahit ng media katulad ng hinihingi ng ating batas. Walang binigay na paliwanag ang grupo kung bakit ga-nito ang nangyari kaya nararapat lamang na palayain si Suzy. (Jimena vs. People, G.R. 182296, April 7, 2009).