EDITORYAL - Hindi akmang bumili ng jet dahil me crisis
KUNG ipinagpatuloy ni President Arroyo ang balak na pagbili ng presidential jet na nagkakahalaga ng P1.2 billion, tiyak na panibagong batikos na naman ang kanyang aanihin. Kaya tama lamang ang kanyang desisyon na huwag nang bumili ng jet. Nakaligtas siya sa tiyak na paninisi at maanghang na pagbatikos. Hanggang ngayon hindi pa napapawi sa isipan nang marami ang mamahaling pagkain na inorder sa mga restaurant sa Washington at New York noong July 30 na nagkakahalaga ng $35,000 ($20,000 sa Le Cirque at $15,000 sa Bobby Vans Steakhouse).
Kinansela na ng presidente ang pagbili ng jet noong Linggo. Ayon kay Press Sec. Serge Remonde, ayaw daw ni Mrs. Arroyo na masabi ng ilang tao na inuuna pa niya ang pagbili ng eroplano kahit na ang makikinabang din naman ay ang mga susunod na presidente. Ayon pa kay Remonde, matagal na raw na nirekomenda ng Presidential Airlift Wing (PAW) na bumili ng bagong eroplano para sa presidente. Ito raw ang gagamitin sa mga gagawing pagbibiyahe ng Presidente sa ibang bansa o mga lugar sa Pilipinas mismo. Ang ginagamit ng eroplano ng PAW umano ay dalawa lang at mga luma pa umano ang mga ito at laging nangangailangan ng maintenance.
Tama lamang ang ginawa ni Mrs. Arroyo na huwag munang bumili ng presidential jet. Maaari namang gumamit ng commercial plane patungong ibang bansa kaya hindi na kailangan sa ngayong ang brand new jet. Mas maraming dapat na iprayoridad kaysa bumili ng jet na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon. Marami nang makikinabang na mahihirap sa P1.2 bilyon samantalang ang makikina-bang lamang kung bibili ng eroplano ay presidente lamang at Cabinet secretaries. Hindi rin akma kung bibili sa panahong ito na matindi ang krisis sa ekonomiya. Ilaan na lang sa mga pangunahing pangangailangan ang bilyones na ibibili ng bagong eroplano. Halimbawa’y, ilaan ito sa pagtatayo ng mga negosyo na makatutulong sa pagkakaroon ng trabaho ng mamamayan. Magbigay ng puhunan sa mga maliliit na interpreneur para sumigla ang kalakalan sa bansa. Kung maunlad na ang ekonomiya at buhay ng mamamayan, kahit ilang jet ay puwe- deng bilhin.
- Latest
- Trending