Bayaning marikit
Sa dami ng taong sumaksi sa libing
pangalan ni Cory lalong nagluningning;
pati mga taong kaaway na lihim
nakisimpatiya’t nagsipagpugay din!
Ito ang nadama nitong buong bayan
nang si Tita Cory dalhin sa himlayan;
doon ay nakita nitong sambayanan –
ang taong disente’y pinagpupugayan!
Sa Metro Manila’t maging sa probins’ya
ang ngalan ni Cory at buong pamilya –
naging bukambibig sa loob ng bansa
at maging sa abroad sila’y dinakila!
Ang mga ginawa ng dating pangulo
ay batid na ngayon ng lahat ng tao;
siya ay naglider – Diyos ang kasalo
kaya laging tumpak ginagawa nito!
Ang kabayanihan ay nakikilala
sa mga nagawa kung siya’y patay na;
katulad ng kanyang butihing asawa
hindi pa bayani nang siya’y buhay pa!
Si Ninoy kung kaya bayani na ngayon
siya ay pinaslang ng kaaway noon;
nang siya’y barilin sa mabuting layon
itong buong bsnsa’y gumanti’t nagbangon!
Ah ganyang-ganyan din nangyari kay Cory
sa kanyang gawain ay kapuri-puri;
Saka nakilala at ngayo’y bayani
Sa mga ginawang nagtampok sa lahi!
Siya ay pangulong matapat sa misyon
At hindi nag-imbot sa kanyang posisyon;
Kaya nang yumaong wala sa panahon
Tumangis – nagluksa itong buong nasyon!
Dahil sa pangulo na sobra ang bait
Sa mga kasma’y hindi nagmalabis;
Pamilya at bayan laging nasa isip
Kaya nang masawi’y Bayaning Marikit!
- Latest
- Trending