EDITORYAL - Pagkilos ng gobyerno laban sa pagkagutom
ILANG araw makaraang pumutok ang magastos na hapunan nina President Arroyo sa Le Cirque Restaurant sa New York, lumikha ang gobyerno ng task forces para labanan ang pagkagutom na nararanasan ng mamamayan sa maraming lugar sa bansa. Ang pagkilos ay maaaring sagot din sa naireport na surbey ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan na pagdami ng mga nakararanas ng pagkagutom sa second quarter (Abril, Mayo, Hunyo 2009). Ayon sa SWS, 20.3 percent ang nakaranas ng pagkagutom kumpara sa 15.5 percent noong Enero, Pebrero at Marso.
Para mapabilis ang paglutas sa nararanasang pagkagutom ng mamamayan, inisyu ng presidente ang Executive Order 825 kung saan, magtatayo ng regional at provincial anti-hunger task forces. Ito ay para masiguro na mapapabilis at mapapa-improve ang implementasyon ng programa sa paglutas sa nararanasang pagkagutom ng mamamayan. Ang programa ay para sa buong bansa at pamamahalaan ng Department of Health.
Sa programa, hindi lamang ang pagkakaloob ng makakain ang sakop kundi pati na rin ang pagbibigay ng pera sa pamamagitan ng subsidies, pagtuturo sa mamamayan ng natural family planning at ang tamang nutrisyon. Sinabi ng gobyerno na 2007 pa ito sinimu lan at 29 Anti-Hunger Task Forces ang namamahala sa programang ito. Binanggit din ang food-for-school program na hanggang ngayon ay isinasagawa.
Nilalabanan naman pala ng gobyerno ang pagkagutom sa bansa. May task forces pang kumikilos para maisagawa ang programa. Ang tanong ay bakit marami pa rin ang dumadaing na hindi sila kumakain. Bakit marami pa rin ang nalilipasan ng gutom? Hindi na nagkaroon nang positibong resulta ang mga survey at lagi nang ang kagutuman ang namamayani. Maaari kayang hindi naipatutupad nang maayos at may sistema ang pagkakaloob ng mga pagkain sa mga nagdarahop. O ang mga sinasabing pag-aksiyon ng gobyerno ukol sa nararanasang pagkagutom ay “drowing” lamang kaya hindi maramdaman ng mga maliliit na bituka ang sinasabing grasya.
Nasasaktan ang Malacañang sa walang tigil na pagbatikos sa masaganang hapunan sa Le Cirque Restaurant sapagkat wala naman daw katotohanan. Pinalalaki lamang daw ng media ang isyu. Ang media ay taga-report lamang ng mga nangyayari — nirereport ang mga nagugutom at ganoon din ang mga nagpapakabusog nang sobra-sobra.
- Latest
- Trending