Hindi makakalimutan ang masaganang hapunan
USAPIN pa rin ang million-peso-dinner, kahit halos maputukan ng ugat na si Press Sec. Serge Remonde sa kapapaliwanag na simple lang daw ang kinain nila sa hapunan na iyon. May website ang Le Cirque, at makikita ang presyo ng mga pagkain doon. Meron ngang mga mura, pero meron ding mga ubod ng mahal. Kaya ang tanong, ano ba talaga ang kinain ng mga iyan sa Le Cirque? Kung simple nga ang kinain nila, ayon kay Remonde, magkaiba ba ang kinain ng Unang Pamilya at ng kanilang mga opisyal? Kung baga, iba ang handa para sa mga ordinaryong opisyal, at iba para sa Unang Pamilya at mga malalapit dito?
Ang mahirap sa administrasyong ito, ayaw magpaliwanag at pinipilit ang lahat na kalimutan na ang isyu. Sigurado ako na ito ang gusto nila, na makalimutan na ang isyu, dahil nakakahiya talaga ang ginawa nila na napuna pa ng dayuhang mamamahayag! Dapat nga magalit sila doon sa sumulat nung artikulo sa Amerika, at hindi sa mga media at mga nagpahayag ng reaksyon. Kung sa tingin nila ay wala namang mali sa ginawa nila, bakit ayaw humarap at tikom ang bibig nung nagbayad umano sa kainang iyon? Dinadaan na lang sa ngiti kapag nilalapitan na ng mga media para humingi ng paliwanag. Ayon daw sa opisina ni Congressman Romuladez, hindi raw siya ang nagbayad kundi ang kapatid nito sa New York na mayaman din! Kung sa isyu pa lang ng kung sino talaga ang nagbayad ay wala pang malinaw, paano makakalimutan ng taumbayan ito?
At dahil nasimulan na rin ang pag-iimbestiga sa mga kayamanan ng Presidente at ng kanyang pamilya, lalong nagiging mainit ang isyu! Higit sa dumoble umano ang kayamanan ni Arroyo magmula nang maging presidente noong 2001. Siya ang pinakamabilis yumaman na presidente ng Pilipinas, at ayon pa sa ulat na inilabas ng PCIJ, matatalo pa niya ang pangalawang pinakamayaman na tao sa mundo, sa bilis kumita ng pera!
At ang hirap na dinanas ng PCIJ para tanungin ang Ombudsman at Civil Service Commission ukol sa mga dineklarang kayamanan ni President Arroyo, ay nagbibigay ng malansang amoy sa isyung ito. Magkakabit-kabit ang lahat na ito, at ilalarawan na ang pamilyang Arroyo ay ubod ng yaman na mahilig sa masarap na buhay. At tila walang delikadesang ipinakikita ito, sa kabila ng naghihirap na bansa. Maaasahan nila na ito’y hindi makakalimutan ng taumbayan, kahit ano pang sabihin at pakiusap ni Remonde!
- Latest
- Trending