Pekeng papeles, totoong titulo
KASO ito ng mag-asawang Juan at Lina. Sila ang may-ari ng isang parselang lupa na may title no. 22361 kung saan nakatayo ang isang hindi pa natatapos na bahay. Diumano, noong Hulyo 16, 1979, pumirma ng isang kasulatan ng bentahan ang mag-asawa pabor kay Pedro kaya nagkaroon ng panibagong title no. 351553 pabor kay Pedro. Ang bagong title ay muling nakansela dahil pinagbili ni Pedro ito sa mag-asawang Mat at Pura. Sila na ngayon ang may-ari ng lupa na may title no. 351673. Nangutang ang mag-asawa at ipinambayad nila kay Pedro ang nautang.
Matapos ang tatlong buwan, inilathala na rin nina Mat at Pura binebenta nila ang lupa. Tumugon dito ang isang nagngangalang Larry na nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang babae — si Annie. Nagpunta pa si Larry sa lugar at nakita ang ginagawa roon. Sinabi ni Mat kay Larry na hindi na kasi siya interesadong tapusin pa ito dahil sa kawalan ng pera at dahil sa matanda na rin siya. Binigyan si Larry ng kopya ng title no. 351673 at inalam niya sa Register of Deeds kung totoo nga ang titulo. Nadiskubre rin ni Larry na sa amo ni Mat nakasangla ang titulo. Nagustuhan ni Larry ang lupa at binili ito sa halagang P276,000. Tinubos ito mula sa pagkakasangla at nagpirmahan sila ng kasulatan ng bentahan noong 1987.
Habang nagaganap ang lahat ng ito, patuloy na binabayaran ng mag-asawang Juan at Lina ang amilyar ng lupa. Hawak din nila ang kopya ng title no. 22361. Noong unang linggo ng May 1987, nang dalawin nila ang lupa ay nakita nila ang itinatayong bahay. Pumunta sila sa Register of Deeds kung saan nalaman nila na nakansela na pala ang kanilang titulo kahit pa hindi naman sila pumirma ng kahit anong kasulatan. Hindi na matunton si Pedro o kung totoong may tao nga na nagngangalang Pedro na nagbenta ng lupa kina Mat at Pura. Napatunayan din na palpak ang notaryo sa lupa dahil hindi nagnonotaryo noong 1987 ang sinasabing nagnotaryo ng lupa.
Nagsampa ng demanda sina Juan at Lina laban kina Mat, Pura, Larry at sa Register of Deeds upang mapawalang bisa ang mga titulo at mabalik sa kanila ang posesyon ng lupa. Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang korte pabor kina Juan at Lina. Peke raw ang naganap na bentahan sa pagitan nina Juan, Lina at Pedro. Hindi rin matukoy kung sino si Pedro at kung paano niya nabenta ang lupa sa mag-asawang Mat at Pura. Pati si Larry ay hindi rin nakaligtas. Nang umapela sa Court of Appeals, sina Mat at Pura lang ang natalo. Si Larry ay dineklarang inosente sa mga nangyari. Tama ba ang CA?
TAMA. Ang isang inosenteng bumibili ng lupa o ang tinatawag sa batas na “buyer in good faith and for value” ay taong walang kamalay-malay sa anomalyang naganap at nagbayad ng tama para sa lupang kanyang binili. Naniniwala siya na binili niya ang lupa sa tunay na may-ari. Kung may dapat magpatunay na hindi siya inosente, ito ay ang nagkakaso sa kanya.
Sa kaso ni Larry, tagumpay niyang napatunayan na wala siyang kinalaman sa pamemeke ng dokumento ng bentahan. Nakita lamang niya ang lathala tungkol sa binebentang lupa at ginawa niya ang lahat ng gagawin ng isang taong nag-iingat sa pagbili ng lupa (Spouses Villamil etc. vs. Villarosa, G. R. 177187, April 7, 2009)
- Latest
- Trending