Tinapay ng buhay at tinapay na buhay
SA ating lingguhang pagninilay sa mga Salita ng Diyos lalung-lalo na ang Banal na Ebanghelyo ay ating mapapansin na mga pagkain ng tinapay ang ating binabanghay simula pa sa noong Hulyo 26 at ika-17 linggo sa karaniwang panahon sa ating liturhiya. Maging ngayon Agosto 9 ika-19 na linggo sa karaniwang panahon ay nasa pagkain pa rin tayo. Matatapos ito sa Agosto 23 sa ika-21 sa karaniwang panahon. Kaya’t dito natin matatarok na ang buong ika-anim na kabanata ng ebanghelyo ayon kay Juan 6:1-69 ay tungkol sa ating pagkain ng tinapay na sebada, tinapay ng buhay, tinapay mula sa langit, tinapay na buhay at Espiritung nagbibigay buhay.
Maging si Elias ay pinalakas ng anghel sa kanyang pagkain upang ipagpatuloy niya ang paglalakbay ng 40 araw at 40 gabi patungong Horeb, ang bundok ni Yaweh. Sa simula ay hindi matanggap ni Elias ang pagsubok sa kanya ng Panginoon: “Panginoon kunin na po ninyo ako. Ako po’y hirap na hirap na. Nais ko na pong mamatay”. Subalit noong siya’y natutulog ay ginising na siya ng anghel at pinakain ng pinakain.
Naalaala ko tuloy ang isang ama ng tahanan na simula ng dumating ang mga problema niya sa buhay lalung-lalo na ang pagbagsak ng kanyang negosyo ay wala na siyang ginawa kundi matulog na lamang nang matulog. Nasabi ko sa kanya: “Gumising ka at bumangon ng maagap, maligo ka, uminom ng mainit na kape, kumain ka ng tinapay, umalis ka ng iyong bahay at maghanap ng iyong ikabubuhay. Kinabukasan muli ko siyang nakita at sinabi sa akin: “Erpat ty may job nako”. Sino kaya sa atin na sa pagdating ng mga pagsubok ng Panginoon ay nawawalan kaagad ng pag-asa.
Napakaganda ng Salmo sa araw na ito: “Taste and see the goodness of the Lord! “Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin”. Matatamo natin ang biyaya ng liwanag ng Espiritu kung aalisin natin ang sama ng loob, galit at poot. Huwag tayong mambubulyaw, maglait, mananakit ng damdamin ng kapwa. Manapa’y tularan natin ang Diyos na puspos ng pag-ibig, mabait, maawain, magpatawaran tulad ng pagpapatawad ng Diyos.
Kasama ng pagpapatawad ng Panginoon ay muli tayong aanyayahan Niya sa pagkaing nagbibigay buhay. Kilalanin natin tuwina si Hesus na bumaba mula sa langit upang ating maging KAPATID. Manalig tayo sa Kanya upang dalhin tayo sa Ama na puno ng biyaya. Tanggapin natin ang kanyang PRESENSYA sa Banal na Eukaristiya na siyang tunay na pagkain ng ating buhay.
Sabi Niya: “Ang nananalig sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang pagka ing nagbibigay-buhay’.
1Kgs 19:4-8; Salmo 34; Efe 4:30-5:2 at Jn 6:41-51
- Latest
- Trending