NASA huling hantungan na si President Corazon Aqui-no, katabi ang kanyang dakila at mahal na asawang Ninoy Aquino Jr. Matapos ang halos kalahating araw na parangal at biyahe patungong Manila Memorial Park, nagpaalam ng huling beses ang mga kapamilya at kabayan kay Tita Cory. Isang panahon sa kasaysayan ng ating bansa ang natapos sa araw na ito. Ang panahon ng mag-asawang Aquino, na gumising, bumuhay at pinagkaisa ang bansa, para bumangon at lumaban para makamit ang tunay na kalayaan at demokrasya. At tunay na pinagkaisa ni Tita Cory ang mamamayan sa panahon ng kanyang administrasyon, pati sa kanyang pagkamatay. Mga kilalang magkatunggali sa pulitiko ay pansamantalang isinantabi muna ang kanilang hidwaan, o pagkakaiba ng pananaw sa maraming bagay, para magbigay pugay at respeto sa yumaong presidente. Sina Estrada, Ramos, Marcos at Aquino. Kahit isang araw man lang ay nagbatian, nagkamayan.
Dumaan sina Bongbong at Imee Marcos sa burol, at tinanggap naman ng maayos ng pamilyang Aquino. Kahit pinipilit ng mga media na magbigay ng pahayag, nagsabi na gusto lang nila magbigay respeto at pugay. Ganun na rin si President Arroyo, na dumeretso sa burol mula sa airport, nang makabalik mula sa Amerika nung madaling araw. Sinalubong naman ni Sen. Nonoy Aquino, at nag-usap pa sandali, bago tuluyang umuwi na ang Pangulo. Ito ang mga eksena na hindi ko maisip na matutuloy, at kung papaano hahawakan. Pero naganap naman nang walang insidente. Ganito ang epekto ni Tita Cory sa lahat ng tao.
Pero ang dapat punahin ay ang reaksyon ng mamamayang Pilipino. Kahit sa pabugso-bugsong ulan ay tumayo sa kalye, hinintay at sinamahan ang labi ni Tita Cory, mula Manila Cathedral hanggang sa Manila Memorial Park. Nagpakita ng pagmamahal at pasasalamat ang masa sa iba’t ibang paraan. Ipinaramdam sa nai-wang pamilya ang kanilang labis na pakikiramay at suporta para sa mga bayaning magulang. Bumilib rin ako sa apat na militar na nagbantay sa apat na kanto ng kabaong ni Tita Cory, na deretso ang tindig, walang tikas na pahinga at siguradong basang-basa na ang uniporme dahil sa ulan, sa buong biyahe ng prusisyon! Testamento ito sa kanilang respeto sa dating presidente!
Madame President, maraming salamat sa iyong walang tigil na malasakit sa bansa. Ipinakita mo na ang isang pinuno ay puwedeng mapagkumbaba at mamuhay ng simple. Ipinakita mo na ang isang pinuno ay puwede maging tapat sa mga tungkulin ng kanyang posisyon. Ipinakita mo na ang isang pinuno ay puwedeng manatiling malinis at walang bahid ng katiwalian at korapsyon. Ipinakita mo na ang isang pinuno ay puwedeng magmula sa ordinaryong mamamayan. Ipinakita mo na isang pinuno ay dapat may maliwanag na mandato mula sa taumbayan, sa pamamagitan ng respeto at pagmamahal. Ipinakita mo na pwedeng magkaisa ang bayan, para labanan ang kamalian at kasamaan. Paalam!