Pagsisisi
DALAWANG sundalo na sumali sa mga tangkang pag tanggal kay President Cory Aquino noong siya’y nasa puwesto ang nagpahayag ng pagsisisi sa kanilang mga nagawang coup. Matagal nang nagbago ng pananaw si Commodore Rex Robles, na ngayon ay nagtatrabaho na sa pribadong sektor. Ayon sa isa sa dating lider ng RAM, nagkamali sila ng paniniwala na kaya nilang palitan ang liderato ng bansa sa pamamagitan ng karahasan, at ang pag-iisip na may karapatan ang militar makialam sa pagpapatakbo ng bansa.
Kung sakaling naging matagumpay naman sila, hindi rin handa ang taumbayan sa ganung sitwasyon, kaya mauuwi lang sa pagiging diktador ng militar. Ganito ang nagaganap sa Myanmar ngayon. Mabuti na lang daw at matatag si Cory. Ang katapatan at malinis na pagkatao ni Cory ang nagbigay sa kanya ng baluti para harapin ang mga sundalo at sinumang may tangkang alisin siya sa puwesto. Ayon pa sa dating commodore, nagsisisi siya at hindi niya personal na nahingan ng patawad ang dating Commander-in-Chief niya. Saludo siya sa liderato ni Cory.
Ganun din si Col. Ariel Querubin ng Philippine Marines. Nagsisi sa kanyang partisipasyon sa coup noong 1989, ang pinaka-madugo sa pitong coup attempts na naganap sa administrasyon ni Cory. Noong 2006, si Cory naman ang nanawagan sa taumbayan na magpatungo sa Marine headquarters para suportahan at tulungan ang grupo ni Querubin nang sila’y nagpakita ng dismaya sa administrasyong Arroyo. Ito ang nagtatag ng labis na respeto ni Querubin para sa dating presidente. Kaya kahit kasalukuyang nakakulong, nagbigay-pugay siya sa dati niyang Commander-in-Chief, sa pamamagitan ng pagbihis ng pormal na uniporme at taimtim na pagsaludo. Tumayo ang mga balahibo ko sa mga pahayag at kilos ng dalawang sundalo, na sa kinalaunan ay ipinakita na sila’y mga marangal na tao, tunay na sundalo ng bayan.
Napakalayo ng naging pananaw nila, kumpara kay Sen. Gringo Honasan na hanggang sa kasalukuyan ay hindi nagsisisi para sa mga pinangunahan niyang coup laban sa administrasyon ni Cory, at ikinalungkot lang na may mga namatay. Hanggang doon lang. Nag-alay ng dasal at maikling pagpugay para sa yumaong presi- dente. Hanggang doon lang.
Mas maganda sana kung ang mga pahayag ni Robles at Querubin ay umabot kay Cory noong siya’y buhay pa. Sigurado ako na labis niyang ikatutuwa iyon. Kung may mga naging matinding kalaban ang kanyang administrasyon noong mga panahong iyon, ito’y mga sundalo, na natanim sa kanilang isipan na sila ang dahilan sa pagbabago ng gobyerno. Dapat alalahanin nila na ang sibilyan pa rin ang may awtoridad sa kanila, at hindi ang kabaligtaran. Ang mamamayan, sa pagsuporta kay Cory ang nagwagi para matanggal ang diktador sa ban-sa. Sabi nga ng isang retiradong heneral na nakausap ko noon, disiplina at pagsunod sa chain of command ang mga importanteng katangian ng isang sundalo. Kung wala ito, mga ordinaryong armadong tao na lang ang mga iyan. Iyan ang delikado.
- Latest
- Trending