MAY matandang kasabihan na hindi mo matatanto ang halaga ng isang bagay hangga’t ito’y hindi nawawala.
Nang nabubuhay pa si dating Presidente Corazon Aquino, tila nalimutan na ng marami ang mga prinsipyong pang-demokrasya na ipinaglaban niya nang siya’y unang maluklok bilang Presidente.
Unti-unti’y tila nanumbalik ang lumang sistema ng tiwaling pamamahala sa gobyerno. Naging talamak muli ang mga pandaraya sa eleksyon. Ang masaklap, tila ito’y ipinagwawalang-bahala na lamang ng mga tao.
Oo nga’t may mga nangyayaring kilos-protesta mula sa sari-saring grupo pero sa wari’y may sari-sarili ring agendang ipinaglalaban ang bawat pangkat na makasarili at hindi para sa bayan.
At lalong masaklap isipin na pati mismo si dating Pangulong Aquino ay binabatikos pa kapag pinupuna niya ang mga katiwaliang nagaganap sa pamahalaan at lipunan.
Hanggang sa dapuan siya ng isang grabeng karamdaman at mabilis na iginupo ang kanyang kalusugan hanggang siya’y yumao.
Akala ko nung una’y tapos na ang karisma ni Mrs. Aquino. Hindi pala. Lalung nagtumindi ang kanyang “hatak” sa tao sa kanyang pagkamatay.
Nakita natin iyan sa daluyong ng mga taong nagdalamhati sa kanyang pagyao at naghangad na sumulyap sa kanya sa huling pagkakataon. Marahil, kaloob nga ng Diyos ang kanyang kamatayan upang magising tayong muli sa katotohanang ang demokrasyang nabuhay dahil kay Cory ay ating muling ipaglaban at alagaan.
Nasaan na ang diwa ng awiting nagsasabing “di na’ko papayag mawala pang muli” ang demokrasyang kay tagal na sinupil ng isang diktaduryang rehimen?