NAKIKIISA ako sa pagdalamhati ng pamilyang Aquino at nang mas malaking pamilyang PILIPINO sa pagpa-naw ni President Cory. Dama ng bansa ang tindi ng kawalan ng taong naging inspirasyon, kaagapay, kaibigan, konsensiya, sandigan, sandalan, at ina sa lahat.
Nung una kong nakilala si Tita Cory sa Boston, siya’y simpleng housewife kay Senador Ninoy Aquino – isang “force of nature”. Sa kabila nito ay nag-impact pa rin ang pagkatao ng babaing nasa likod ng bayani. May kakaibang dignidad ang kanyang aura. At kahit ako’y hamak na binatilyo lang na bitbit ng aking ama, wari ko’y para akong panauhing pandangal dahil sa kanyang pagkagrasyosa.
Sa kanyang pagbalik upang ipagpatuloy ang laban ni Ninoy, ang dignidad ng biyuda ang naging pamatid-uhaw sa isang bansang salat sa dignidad.
Sa mata ng iba, Tita Cory was not the best president of the Philippines. Mas matalino sina Roxas, Quirino, Macapagal, Marcos. Mas charismatic sina Quezon, Magsaysay, Estrada. Mas magaling sina Osmeña, Garcia, Ramos.
Subalit walang makatututol na si President Cory ang pinakaminahal ng bansa at pinakanirespeto sa kanilang lahat. Siya’y disente, marangal, tapat, maaasahan. Hawak niya ang pinakamataas na katungkulan subalit hindi naglaho ang kanyang pagkakumbaba. Sinalamin ng kanyang buhay ang mga katangian na dapat taglay ng tunay na lingkod bayan.
At kung mayroong importanteng kuwalipikasyon kung saan milya-milya ang nilamang ng kiming si Tita Cory sa ating mga machong Presidente, ito ay sa larangan ng katapangan.Tita Cory was the bravest and most courageous President we ever had. Hindi sa kanya ang tapang na “sugod mga kapatid” a la Bonifacio. Hindi rin style-Aguinaldo na mangunguna sa madugong rebolusyon. Mapayapang rebolusyon ang kanyang marka. Ang tapang ni Tita Cory ay hindi galing sa lakas ng armas kung hindi sa sinseridad ng kanyang paniwala. Hindi siya tumiklop sa kumpromiso. Wala siyang inurungang laban. Mas madali sanang mana-tili bilang tahimik na housewife subalit tinanggap niya ang hamon na kumilos. At dahil sa kanyang paninindigan, nagkalakas-loob ang lahat na ipaglaban ang katotohanan. Bawat Pili-pino ay natutong tumindig ng taas noo basta’t nasa tama.
When Cory Aquino was in Malacañang, we were all proud to be Filipinos.
Paalam sa iyo Ma’m.
At maraming-maraming salamat po.