EDITORIAL - Parangal ng bayan

SA kanyang talk show sa telebisyon noong Linggo, sinabi ni Kris Aquino na hindi na kailangang sabihin ng Mala­kan­yang na bigyan ng parangal o state honor ang yumao niyang ina na si dating Pa­ngulong Corazon Aquino. Idiniin niya na ang parangal para sa kanyang ina ay mag­mu­mula sa bayan. Ito ang unang pagka­kataon na nagsalita si Kris mula nang mamatay si Pangulong Aquino.

Ginawa ni Kris ang pahayag bilang pagli­linaw sa pagtanggi ng kanilang pamilya sa state funeral na iniaalok ng pamahalaan para sa yumaong dating Pangulo. Nabang­git din niya na ang kanyang ina ay ina na rin at bahagi na ng buhay ng buong sam­bayanang Pilipino.

Hindi malaman kung nagkataon o ano pero, kahapon, libu-libong Pilipino ang humi­lera sa mga kalsada para abangan, tingnan at pagpugayan ang labi ni Aquino nang ilipat ito sa Manila Cathedral mula sa La Salle Green­hills. Umulan ng dilaw na confetti, nagkalat ang mga dilaw na laso, t-shirt at lobo at hindi mabilang ang mga kamay na nakasenyas ng “Laban” na nagpa­pa­gunita sa 1986 People Power revolution na nag­ luklok kay Aquino sa pangu­luhan. Uma­alingawngaw ang pangalan ni Cory na isinisigaw ng mamamayan. Hu­minto ang mga tao sa kanilang ginagawa para sa pinakamamahal nilang pangulo. Bukod pa rito ang mahabang pila ng mga tao na sumi­silip sa burol ng unang babaeng presidente ng bansa.

Ang reaksyong ito ng mamamayan ay isa nang malaking parangal para kay Aquino.   Tama rin si Kris. Ang parangal para sa isang Huwaran ng Demokrasya ay magmumula sa bayan.

Show comments