Tuloy ang eleksiyon?

Sana naman sana hindi na maurong

Ang nakatakda nang pambansang eleksi’yon

Kung hindi ay sayang mga preparasyon

Ng ating Comelec ng gobyerno ngayon!

Naging masigasig ang ating Comelec

Maging automation ang ating pag-elect;

Kaya dapat lamang tayo ay manalig

Na tuloy na tuloy halalang nabanggit!

Kung di matutuloy ay sayang na naman

Panahon at perang dito ay nalaan;

Automation machine — mga kasangkapang

Binili ng mahal sa mga dayuhan!

Sayang din ang hangad ng maraming tao

Magbago ang takbo ng ating gobyerno;

Nais ng marami sila’y makaboto

Sa mga marangal nating kandidato!

Sana’y di totoo hula ng marami

Ang halalan ngayo’y baka niyayari

Ng mga opisyal upang manatili

Sila sa posisyon at sila ang hari!

Sa SONA ng ating butihing Pangulo

Sinasabi Niyang tuloy ang trabaho;

Tatapusin Niya ang Kanyang termino

Pero di binanggit kung kailan hihinto!

Kaya possible ring tumpak ang hinala

Ng mga kalabang di siya bababa;

Ang Con-Ass at Cha-Cha waring inihanda

Upang mga lider manatili pa nga!

Kung tama ang hula ng mga kalaban

Nasa Oposisyon walang aasahan;

Inaasam nating tuloy ang halalan

Waring bibiguin ng nasa upuan!

At ito ang challenge na dapat harapin

Ng mga kalabang gusto’y maghari rin;

Ngayon pa’y ilabas ang dunong at galing

Laban sa sistemang gustong pairalin!

Show comments