Trabaho at di-bulsa ang unahin mo Col. Diosdado Ramos!
IMBES na trabaho ang atupagin, ang bulsa niya ang inuuna ni Sr. Supt. Diosdado Ramos, OIC ng Bulacan PNP. Kaya ko nasabi ‘yan kasi abala sa ngayon ang mga tauhan ni Ramos para gipitin ang mga Small Town Lottery (STL) operators sa Bulacan. Hindi kasi nagkasundo ang emissary niyang si Eming Macasaet sa lingguhang tara para sa mga bookies operators. Si Macasaet kasi, na pangalan ni Ramos ang binabanggit, ay nakipagkita sa STL bookies operators sa Metro Manila kamakailan. Subalit hindi sila nagkasundo sa pitsa dahil masyadong mataas ang gusto ni Macasaet sa utos din ni Ramos. Kaya’t kaliwa’t kanan ang panghaharabas ng mga tauhan ni Ramos ngayon para puwersahin ang bookies operators sa kagustuhan nilang maitaas ang papasok sa bulsa ni Bulacan provincial director. Ang siste lang, pati ang mga legitimate STL operators ay sinasaktan nila.
Gawin kong halimbawa ang raid na isinagawa kamakailan ni Supt. David Pokay sa isang STL operation sa Bgy. Burol sa Balagtas, Bulacan. Halos 21 katao ang naaresto sa raid bilang katugunan sa verbal instructions ni Ramos. Subalit pinakawalan din ang 21 katao matapos lumutang sina Franie Palma at Boy Vinas para patunayan na mga STL workers sila at hindi taga-bookies. Isinauli rin ng mga tauhan ni Ramos ang mga STL paraphernalia na nakumpiska nila. Maliwanag na na-Wow mali ang police raiders. Ganyan talaga kapag pera ang nasa isip mo at hindi ang trabaho.
Itong STL sa Bgy. Burol ay halos tatlong taon na. Kaya naman na-Wow mali ang police raiders eh dahil hindi sila nakipag- coordinate sa mga local na pulis. Ang hindi lang maintindihan ng mga kausap ko ay bakit nagkamali pa ang mga tauhan ni Ramos samantalang maliwanag naman na ang mga STL offices ay may signages at ang mga empleado ay may mga IDs?
Para sa kaalaman ni Ramos, ang bangka at management ng STL bookies o dili kaya’y jueteng sa San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Baliuag, Pulilan at Sta. Maria ay si Abet Viceo. Ang mga local manager naman ay si Bgy. Chairman Gener Lopez sa San Miguel; Bgy. Chairman Meming River at ABC pres. Rening Salao at Boy Bakulaw na pinsan ni Mayor Galvez sa San Ildefonso; Caloy Garcia sa Baliuag; Rolando Cruz sa Pulilan, at Andy Ramos sa Sta. Maria. Sa Hagonoy ang bangka at management ay si Joe Lazaro habang sa bayan ng Bulacan ang local manager ay si Cocoy del Rosario. O Hayan! Sila ang habulin mo Col. Ramos para mapuno ang bulsa mo sa lingguhang intelihensiya. Bitbit pa naman ng Iglesia ni Cristo si Ramos tapos pitsa-pitsa lang ang lakad.
Kapag nagpatuloy ang pressure ng mga tauhan ni Ra-mos sa jueteng o STL bookies operations kuno sa Bulacan baka mapetisyon siya sa puwesto n’ya. Kapag tumining na ang jueteng o STL bookies sa Bulacan, ibig sabihin n’yan nag kasundo na sila sa presyo ni Macasaet.
Abangan!
- Latest
- Trending