PANIBAGONG Constitutional issue ang pumutok nang ni-reject ni Gng. Arroyo ang mga nominado ng Judicial and Bar Council (JBC) sa bakanteng puwesto sa Supreme Court. Ayon sa Saligang Batas, lahat ng aplikante sa pagkahuwes o mahistrado ay obligadong pumasa sa pagsuri ng JBC bago ma-consider ng Presidente. Tahimik ang probisyon sa isyu na kung pwedeng ibale-wala ang listahan ng JBC. Ang tanong – tali ba ang kamay ng Presidente sa listahan ng JBC?
Ang JBC ay hinubog ng 1986 Constitutional Commission (ConCom) bilang reaksyon sa karanasan ng Judiciary sa ilalim ng 1973 Constitution. Noon, tulad ng lahat na may mataas na katungkulan, ang appointment ng judges at justices ay dumadaan sa Commission on Appointments (CoA) bilang bahagi ng sistema ng check and balance ng Gobyerno. Sa pangunguna ni dating Chief Justice Roberto Concepcion, nilayon ng ConCom na ilayo ang appointment process sa bahid ng maruming pulitika. Una: Tinanggal sa CoA ang kumpirmasyon ng mga huwes; pangalawa: Itinatag ang JBC na kinabibilangan ng Chief Justice, Secretary of Justice, Chairmen ng House at Senate Judiciary Committees, at mga haligi ng legal profession upang suriin ang mga aplikante; pangatlo: Inuna ang partisipasyon ng JBC – imbes na ikumpirma sa huli ang nominado ng Presidente, sila mismo ang magpapanukala sa Presidente ng tatlong pangalang pagpipilian para sa bawat bakanteng puwesto.
Ang ganitong reversal ng proseso – mauna imbes na mahuli ang kilatis – ay makakatulong sa pagsiguro na kuwalipikado nga ang mapipili. Ang disadvantage na- man nito’y talagang nililimitahan ang kalayaan ng appointing power na makapamili ng kanyang napupusuan.
Ang tanong ay tali nga ba ang kamay ng Presidente? Ayon sa Spokesman ni Chief Justice, si Atty. Midas Marquez at kay former Secretary of Justice Frank Drilon, hindi maaring i-reject ang listahan at humingi ng bago. Opinyon naman ni Fr. Joaquin Bernas na maaring humingi ng bagong listahan ang Presidente hanggang ito’y masiyahan.
Para sa atin, itinatag ang JBC at tinanggal sa CoA ang pagkumpirma sa mahistrado hindi upang mabigyang ginhawa ang Pangulo. Ang intensiyon dito ay matanggalan ng perwisyo ang Judiciary at masiguro ang kalidad ng mga appointees. Kaya paniwala ko, upang maiwasan ang isang constitutional confrontation, dapat respetuhin ng Presidente ang proseso, tanggapin ang kilatis ng mga eksperto at pumili na lamang mula sa binigay ng JBC.