O AYAN, tapos na ang huling SONA ng President Arroyo, raw. Puro numero, may mga patutsada at patama, may pagyayabang at pagbibida, may pagmamalinis. Ang tanong, masaya ba kayo at kumbinsido na siya’y bababa na sa puwesto sa Hunyo 2010? Kumbinsido ba kayo na wala na siyang planong tumakbo bilang kongresista ng Pampanga, at kapag natuloy ang pagpalit ng Saligang Batas, ay magiging Prime Minister?
Sa mga ibinida niya ukol sa ekonomiya, papayag ba kayo na siya at ang kanyang mga alipores at kasangga sa Mababang Kapulungan ang patuloy na mamuno sa ating bansa? Payag at handa ba kayo para sa ilang taon pa sa ilalim ng administrasyong Arroyo? Ito’y magandang tanong dahil wala namang matigas na salitang binitawan ang Presidente ukol dito. Puro pa-cute lang hinggil sa pagbaba sa puwesto.
Ayon naman sa mga ekonomista, marami sa mga tinala ni Arroyo ukol sa pagganda ng ekonomiya ay totoo, pero may mga dahilan na hindi naman puwedeng angkinin ng administrasyon niya. Karamihan ay dahil sa magandang pagpasok at reserba na dolyar ng bansa, na galing naman sa mga OFW. Mga kababayan nating napilitang magtrabaho sa ibang bansa dahil wala ngang maibigay ang bansang ito sa kanila.
Diyan pa lang ay puwede nang basagin ang pinagmama-laki niya dahil kung tunay na maganda ang ekonomiya, hindi na kailangang makipagsapalaran ang ating mga kababayan sa ibang bansa. Sari-sari nang paghihirap ang dinadanas ng mga OFW sa ibang bansa, kaya hindi dapat inaangkin ang kanilang sakripisyo at paghihirap para magpabango ng sariling pangalan! Ang pagganda naman ng credit rating ng Pilipinas ay dahil sa magaling tayong umutang at magaling ding magbayad. Kahit anong creditor ay magiging masaya kapag laging umuutang ang isang kliyente ay nagbabayad ng sapat.
At saan naman napupunta ang lahat ng perang dulot ng magandang ekonomiya? Kailangan mo lang balikan ang lahat ng anomalya, katiwalian, korapsyon na kinasasangkutan ng administrasyong ito at mga kasangga niya, para malaman kung saan napunta ang lahat ng perang iyan! Mga kasong wala pang linaw at kahihinatnan dahil na rin sa mga magagaling na alipores ng Palasyo! At dahil dito, ang Pilipinas ay naging pinaka-corrupt na bansa sa Asya! Pinagmalaki ba niya ito?
Isa pa ay ang tala ng mga peryodista, komentarista, manunulat, mamamahayag at aktibistang nawala o pinatay sa ilalim ng kanyang administrasyon! Mga lantaran na paglalabag sa karapatang pantao ng mga pulis, sundalo. May binanggit ba ukol dito? Estado ng bansa ang dapat niyang inuulat sa mamamayan, hindi mga pabida at pabango niya! Kahit si Senator Enrile ay dismayado sa kanyang hindi pagbanggit ng sitwasyon ukol sa katahimikan at kaligtasan sa bansa. Lahat naman ng administrasyon ay may peace talks sa mga rebelde, pero wala pang tunay na kapayapaang nagaganap. Ibibida niya ito?
Nang magtatapos na siya sa kanyang talumpati, lahat nakinig nang mabuti kung siya ay magpapaalam na. Ang ginawa ay nagpa-cute lang, na siya’y bababa mula sa entablado dahil pangulo pa naman siya hanggang Hunyo 2010. Pero wala siyang binanggit na siya nga ay bababa. Nagpasalamat sa pagkakataong manungkulan bilang Presidente, pero walang sinabi ukol sa usaping Prime Minister. Maliwanag na gusto pa rin niyang isulong ang Cha-cha. Punumpuno ang mga radyo, TV at pahayagan katulad nito ng mga komentaryo ukol sa kanyang SONA. Pinalakpakan ng lampas 100 beses, na halata namang planado.
At bakit hindi? Nagtalumpati siya sa isang lugar na puno ng kanyang mga tagahanga, kasangga, kakontsaba, alipores. Natural ay papalakpakan siya nang husto. Sa kalye kaya niya gawin ito, kung saan alam niyang hindi siya popular. Kaya pagkatapos ng isang oras ng pagsasalita, wala pa ring sagot ang bansa sa tanong ukol sa kanyang panunungkulan. Maganda ang ekonomiya? Saan? Bakit patuloy pa rin ang pag-alis ng mga kababayan natin para magtrabaho sa ibang bansa? Madali magsabi na maganda ang ekonomiya kung wala kang problema sa pera, katulad ng mga Arroyo at kanyang mga taga-suporta.
Madaling magsabi na maganda ang ekonomiya kapag kumakain ka sa mamahaling kainan sa Fort o sa Makati, hindi sa Tondo o sa Smokey Mountain. Pagkatapos ng siyam na taong pagtatalumpati, wala pa ring nagbabago sa mga sinasabi ng Presidente. At bakit hindi niya ipinakita kung ano na ang nangyari sa mga bangkang papel boys niya noong 2001? Ang tunay na estado ng bansa? Alam na niya iyon.