ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay nakatanggap ng liham hinggil sa problema ng isang OFW sa Dubai.
Narito ang bahagi ng liham. Hindi ko inilathala ang buong pangalan ng mga taong sangkot habang inaasikaso pa ang problema.
Dear Senator Estrada:
Ako po si Mrs. Desales. Ang asawa kong OFW sa Dubai, UAE, ay nakakulong ngayon sa Rashidiya Police Station matapos mapagbintangan sa kasong Cheating and Fraud. Ang asawa ko ay nagkatrabaho noong November 2007 sa EMIRATES CATERING SERVICES INC. Siya ay nakatakdang umuwi noong June 25, 2009. Pagdating sa immigration, hinuli siya ng immigration police dahil siya daw ay kinakasuhan ng taong nagngangalang Mr. Sayad thru Mashreq Bank. Na-trace daw ng banko na naideposito at na-withdraw ang nawawalang pera ni Mr. Sayad sa account ng asawa ko. Ang aking asawa ay inilipat sa Rashidiya Police Station kung saan ay sinaktan at binugbog siya ng mga pulis upang ipaako ang kaso na hindi naman niya ginawa. Hindi siya tinulungan ng Embahada natin para magkaroon ng abogado sa dalawang hearing kaya guilty ang naging hatol sa kanya. Walang sumuporta sa kanya mula sa ating embahada. Dito sa Pilipinas, kami ay pumunta sa DFA noong June 26. Ang sabi sa DFA, ang aming salaysay ay ipa-fax sa Philippine Embassy sa Dubai para raw maasikaso, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring gumagawa ng paraan upang tulungan siya. Kami ay humihingi ng tulong nyo upang mailigtas ang asawa ko.
Sa mga susunod kong column ay ilalahad ko ang mga development sa usaping ito.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala lang ang inyong mga liham sa kanyang tanggapan sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin po ninyo na hindi tinutugunan ng tanggapan ang mga solicitation letter.