'Salvage na naman'

TAYO’Y BAYAN kung saan nasusunod ang mga batas at hindi ng tao. Kapag ang mga gusto ng bawat tao ang iiral siguradong lakas at dahas ang mamayani..

Isinalaysay sa amin ni Jeffrey ‘Jep’ Varona taga Phase 8, Block 136 lot 11, Barangay Bagong Silang, Caloocan City amg pagkawala ng kanyang batang kapatid.

Matagal ng nakatira ang kanyang kapatid na si Francis ‘Nonoy’ Varona 19 taong gulang sa poder ni Jep. Napilitan itong tumigil sa pag-aaral at nakapagtrabaho sa murang edad dahil sa hirap ng buhay.

“Sobrang close kami ni Nonoy para na nga kaming kambal-tuko dahil lagi kaming magkasama sa lahat ng oras hanggang sa may hindi inaasahang pangyayari,” pahayag ni Jep.

July 19, 2009 bandang alas otso ng gabi ay nasa kalagitnaan ng inuman si Nonoy kasama ang mga kaibigan nito niyaya siya ng mga barkada niyang subukan mangholdap.

“Kilala ang kanyang barkada sa amin na pinaghahanap ng mga pulis dahil sa talamak na ginagawang holdapan sa aming lugar. Lagi ko siyang pinagsasabihan na umiwas na sa kanila at baka masangkot pa sa gulo ngunit siya itong matigas ang ulo,” mariing sinabi ni Jep.

Ayon pa rito ay nakilala niya ang mga kasama ni Nonoy na sina ‘Balong’, ‘Ronel’, ‘Jek-jek’ at ‘Jasper’.

Natuloy ang kanilang masamang balak kaya nag-antay silang lima sa isang eskinita di kalayuan sa kanilang lugar ng bibiktimahin.

“Hindi talaga holdaper ang kapatid na impluwensyahan lang siya ng kanyang barkada at dahil na rin naka-inom siya,” paliwanag ni Jep.

May dumaan na babae at yun ang hinoldap nila. Walang na­kuha sa kanya at dahil pumalag yung babae hinabol sila ng mga taong andun lamang sa malapit.

Nakatakas ang lahat maliban kay Nonoy. Napadpad ito sa isang bahay na tinaguan niya ng dala ng takot. Sumigaw ang isang nanay na may dalang sanggol ng makita si Nonoy sa loob ng bahay kaya natunton siya ng mga tanod.

Nakilala ang mga humuli kay Nonoy sa pangalang ‘Balweg’ at ‘Samonte’ na mga tanod sa barangay .

“Dinala ang kapatid ko ng mga tanod sa barangay outpost at napagbuntungan ng kanilang galit. Binugbog nila ito. Napag-alaman ko rin na pumutok ang kanyang ulo ngunit sa halip na dalhin sa ospital ay sa barangay hall siya hinatid sakay ng service,” kwento ni Jep.

Nalaman ni Jep ang mga pangyayari ng sumugod sa bahay niya ang mga kapatid nitong sina Eric at Yureka ‘Yeyeng’ Varona.

Agad naman siyang pumunta sa barangay hall at ang nakausap niya ay si Balweg.

“Dinala raw si Nonoy sa Tala Hospital sakay ng puting van ngunit ng pumunta kami sa ospital wala raw rekord ang kapatid ko dun,” paliwanag ni Jep.

Inabot sila Jep at ang mga magulang nito ng alas dies ng umaga sa paghahanap subalit nabigo sila. Binalikan nilang muli sina Balweg at Samonte. Hindi nila inabutan ang mga yun at may nakausap sila sa barangay. Kapansin-pansin ang umano’y “pagkikindatan” umano ng mga opisyal dun na sina Jun Yabut at yung kasama niya sa loob ng barangay hall, ayon kay Jep.

“Ang sinabi lang niya ay kakausapin muna nila si Balweg kung may impormasyon tungkol sa aking kapatid pero wala rin nangyari.

Masama ang pakiramdam ko na patay na siya dahil parang may itinatago sila sa amin. Pinagpapasa-pasahan lang nila kami at hindi talaga maituro kung nasaan si Nonoy,” reklamo ni Jep.

Ang huling impormasyon nila sa biktima ay naka-’brief’ lang ito at duguan dahil umano’y sa pambubugbog.

Nasabi rin ng hipag ni Jep na nasa Tala Morgue itong si Nonoy at ang iba naman ay na sa presinto daw. Pinuntahan nila lahat ng ito subalit kahit anino ng kapatid ay hindi nila nakita.

Maraming nakapagsabi kay Jep na ipinalabas raw sa balita sa GMA7 ang nangyari kay Nonoy.

“Napanuod nga ng hipag ko yung balita at ang sabi ay na’salvage’ daw. Sa ngayon ay hindi namin alam kung nasaan talaga si Nonoy at kung talagang patay na siya. Sana po ay matulungan ninyo ako mahanap ang aking kapatid,” mariing na pahayag ni Jep.

Sa pagtutok namin sa kasong ito napag-alaman na natagpuan ang bangkay ni Nonoy sa Bicas Sports Park sa Barangay 176, Bagong Silang nitong Huwebes, July 24 limang araw matapos mapabalitang dinampot ng mga tanod.              

SA GANANG AMIN DITO SA CALVENTO FILES, Ilagay na natin na nasangkot sa holdap itong si Nonoy. Sabihin na rin natin na magkakabarkada silang nasasangkot sa “Robbery in Band,” may mga legal na proseso na dapat din naman sundin para mapa­tawan ng karampatang parusa ang mga katulad ni Nonoy.

Ang hindi maitatanggi at merong mga testigo na nasakote itong si Nonoy at dinala ng mga tanod na ang pangalang kinilala ay “BALWEG!”

Ang magaling na testigo dyan ay yung misis sa bahay na nagturo kay Nonoy kina Balweg.

Sino itong sina Balweg at Samonte? May nga tanod ba sa Barangay 176 ng Bagong Silang na may ganyang pangalan? Anong masasabi mo Kapitan?

Nakipag-coordinate kami kay C/INSP Marciano Mariano ng Caloocan Police sa Headquarters at nangako ito na kukunan ng pahayag at tutulungan ang pamilya ng biktima na makapagsampa ng kaso laban kina “Balweg at Samonte” at sino pang mga kasama nito.

“May liability ang mga yan kung mapapatunayan na sila ang mga taong nakitang may custody dito kay Nonoy,” mariing sinabi ni C/Insp. Mariano.       

Sana pati na rin yung Jun Yabut na binabanggit ay dapat ma­ibes­tigahan. Kapitan maganda siguro na ikaw muna ang mag-imbestiga dyan sa iyong barangay kung may kinalaman ang mga taong ito para hindi isipin na may basbas mo ang mga pangyayari.

Sa mga taong maaring nakasaksi sa nangyari kay Francis ‘Nonoy’ Varona ay maaaring ipagbigay-alam ito sa aming tanggapan. (KINALAP NI JOANNE M. DEL ROSARIO)

Para sa isang patas at balanseng pamamahayag tinatawagan namin ng pansin sina Balweg at Samonte upang marinig ang kanilang panig.

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments