Hugas-kamay ang Palasyo
SA anumang organisasyon, kapag may ginawa o kinilos ang miyembro na walang pahintulot mula sa nakatataas, ito’y sapat na dahilan para patalsikin siya sa puwesto. Kahit ano pa ang dahilan ng miyembro, kesyo para sa ikabubuti ng organisasyon o ng pinuno, hindi pa rin ito tama. Maituturing na kataksilan sa nasabing organisasyon. May alam akong ganyang grupo na sila pa ang nagmamalaki sa isang grupong matagal nang itinayo.
Ito ang nagaganap ngayon sa pamilya ni President Arroyo. Nagpahayag ang Palasyo na wala silang alam o kinalaman sa naganap na miting sa pagitan ni National Security Adviser Norberto Gonzales at mga pinuno ng Simbahang Katoliko at ng Korte Suprema, para sa pagtatayo ng isang pansamantalang gobyerno habang inaamyendahan ang Saligang Batas. Ito’y binabasa na isa pang kilos para pahabain ang termino ni Arroyo. Hugas-kamay ang ginagawa ng Palasyo ngayon, sa kaliwa’t kanang akusasyon para pahabain ang termino ni Arroyo. Ang mga kilos daw ni Gonzales ay kusa niyang ginagawa at walang pahintulot mula sa Presidente. Kung ganun, ano pala ang gagawin ng Palasyo kay Gonzales? Hindi ba kataksilan na iyan sa mukha ng administrasyong Arroyo?
Hindi ko madalas nakikita o naririnig si Norberto Gonzales, di katulad nung isa pang Gonzales na palaging nasa balita dahil din sa mga bukambibig niya. Pero sa tuwing nasa balita si Norberto Gonzales, palaging kontrobersiyal. Ano pala ang naiisip niya? Kukunin niya ang basbas ng simbahan at hukuman para makabuo ng isang gobyernong hindi halal ng mamamayan? Ganyan lang ba kadali iyan? At totoo naman kaya walang kinalaman ang Palasyo sa mga kilos nito? Kung talagang wala, sibakin na si Gonzales mula sa kanyang puwesto.
Kung ang National Security Adviser pa ang tila namumuo ng ibang gobyerno, sino pa ang pagkakatiwalaan ng tao? At paano magiging kampante ang taumbayan na walang balak para pahabain ang termino ni Arroyo, kung may mga ganitong aksyon na ginagawa ng miyembro ng kanyang opisyal na pamilya? Di kaya kriminal na aksyon ito? Pero sigurado pitik sa kamay lang ang matatanggap ni Gonzales para sa mga kilos niya! Baka bigyan pa nga ng dangal at puri sa mga darating na araw!
- Latest
- Trending