Kainan sa mesa ng simbahan

BUKOD TANGI ang isang simbahan na mayroong hapag-kainan. Ito ay ang mga simbahang Katoliko-Romano, Greek-Orthodox, Anglican at Aglipayan. Sa lahat ng mga simbahang ating nabanggit ay mayroon mga lamesa o mesa na tinatawag nating banal na altar. Ang bawa’t pagdiriwang sa mga simbahang ito ay isang pagsunod sa handaang itinalaga ni Jesus, ang huling hapunan.

Naalaala ko tuloy noong ako ay ma-assign sa isang simbahan sa Calumpang at Bukal, Tayabas, Quezon na may mga puno ng lansones na pag-aari ng isang parokyano. Setyembre noon, nagulat ako na sa Banal na Misa ay may isang binata na nag-alay nang malaking kaing ng lansones. Pagkatapos ng Misa ay tinawag ko ang binata para magpasalamat sa kanyang alay. Sa halip na matuwa ang binata ay nakasimangot na lumapit sa akin. Nagulat pa ako sa kanyang sagot: “Buti pa kayo at taun-taon na lamang ay kayo ang pinadadalhan ng aking lola nang kauna-unahang ani ng aming lansones. Iyan daw ang kanyang alay sa inyo.” Iyon pala ay ang alay ng matanda sa Misa na lubusang nagpapasalamat sa Pa­nginoon sa biyaya ng kanyang ani.

Ito pala ang isinasaad sa unang pagbasa na itinalaga ang mga unang ani ay iniaalay sa templo para makakain ang maraming tao: “Mabubusog sila at may matitira pa”. Buti na lamang at aking ipinamigay sa mga sumimba sa aking Misa noong araw na iyon ang maraming prutas ng lansones. Maging sa Salmo 144 ay nakasaad: “Pina­kakain mong tunay kaming lahat, o Panginoon”.

Ang pagdiriwang ng Banal na Misa ay isang kainan. Isang hapag ng pananam­palataya na ating pinagsa­saluhan ang pagkain ng ating buhay: Ang Katawan at Dugo ni Jesus na ating ipi­ nag­di­wang noong nakaraang bu­wan ng Hunyo ang Corpus Christi. Kaya sa ebanghelyo ngayon ay muling ipinakita sa atin ang himala ng pagpapa­rami ng mga isda at tinapay. Sinundan si Jesus ng napaka­raming tao sapagka’t nakita nila ang kababalaghan at pag­papagaling sa mga may sakit. Hinangaan din ni Jesus ang napakaraming tao na sumu­nod sa Kanya upang makinig sa Kanyang aral. Hindi ina­lintana ng mga tao ang kani­lang sikmura kung sila baga ay gutom na, manapa’y si Je­sus ang naka-alam nito kaya’t tinanong niya si Felipe: “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito”? Kahit dalawang daan denariong halaga ng tinapay ay hindi magkakasya sa ka­nila ang paliwanag ni Felipe. Sinabi naman ni Andres na merong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda.

Nang marinig ito ni Jesus ay pinaupo niya ang lahat; nagdasal ng pasasa­lamat; pinaghati-hati ang mga ti­napay at isda. Nakakain at nabusog ang lahat. Pinag­bi­linan Niya ang mga alagad upang tipunin ang mga nati­rang pagkain para walang maaksaya. At ang natira ay 12 basket ng mga pagkain.

 Kailanman ay di tayo pa­ba­bayaan ng Panginoon. Hi­nihingi muna ng Diyos ay    ang ating pakikipag-ugnay    sa Kanya. Ito ang paala-ala sa atin ng liham ni Pablo sa mga taga Epeso: “Maging ma­­pag­­­ pa­kumbaba, mabait at mati­yaga. Magmahalan at magpa­umanhinan”.

Tuwing ako’y magmimisa sa mga chapel na walang Blessed Sacrament ay lagi kong pinadadamihan ang ostiya. Di baleng sumobra ang kakainin sa Banal na Hapag o komunyon kesa naman di makasalo ang iba pang mga sumisimba. DI BALENG    SO­BRA HUWAG LANG KU-LANG. Kaya naman sa AWA NG DI­YOS ay di pa ako na­karara­nas maubusan sa Banal na Kainan.

2 Hari4: 42-44; Salmo 144; Efeso 4:1-6 at Jn 6:1-15


Show comments