SA Lunes, ilalahad ni President Arroyo ang huling State of the Nation Address (SONA). Sana, ito ang huling SONA. Ito ang pamana ni Arroyo sa bansa kung sakali. Ang kawalang tiwala ng tao, pagdududa ng tao, galit ng tao. Sa mga nakaraang SONA, ilan ba talaga ang natupad sa mga pangako niya? Nasaan na ang bangkang papel boys? Gumanda ba ang buhay nila? Pati na ang binibidang ekonomiya ng bansa. Umaabot ba sa karamihan ng mamamayan ang umano’y ganda ng ekonomiya, o sa mga matagal nang mayaman at walang problema sa buhay lang? Ano naman kaya ang ibibida sa mamamayan, na hindi naman talaga nila proyekto kundi promo ng iba? At sa likod ng mga pagbibidang ‘yan, ilang kaso pa ng katiwalian, anomalya, nawawalang mga tao, pinapatay na mga komentarista, paglabag sa karapatang pantao ang hindi pa nalulutas?
Isang magandang SONA raw ang makakaligtaan ng mga kritiko ni Arroyo, ayon kay DILG Sec. Puno. Ipakikita ang mga ginawa niya sa siyam na taon. Kalye, tulay, trabaho, kita ng pamilya, dami ng turista. Ano? Baka para sa mga pamilya ng kaalyado ng administrasyon tumaas ang kita. At ilan naman ang kumita sa mga kalye na ginawa? Ang Diosdado Macapagal Avenue? Iyan ang lumalabas na pinakamahal na kalyeng ginawa? Trabaho, nasaan? Baka para sa mga kamag-anak niya at ng mga kaalyado niya! Turista? Hindi niya puwedeng angkinin ang puring iyan dahil hindi gobyerno ang pinupuntahan ng mga turista! Puwede ba, huwag akong bolahin sa ganyan?
Ayon naman sa Speaker, kasaysayan daw ang maghuhusga kay Arroyo. Talaga! Matatandaan si Arroyo bilang sumunod na pinakamatagal na nakaupo sa Palasyo, sumesegunda kay Marcos. Matatandaan ang “Hello Garci” kung saan tila humihingi ng garantiya na mananalo siya sa ilang bahagi ng bansa. Matatandaan ang mga anomalyang nakaugnay sa administrasyon niya. Alam na ng lahat iyan! At makikilala siyang Presidente na nagparetoke ng dibdib, na itinanggi, tapos inamin, tapos pinaimbestigahan! Sana, ito na ang huling SONA. Pero hangga’t hindi pa natatapos ang eleksiyon sa darating na taon at bumaba na siya mula sa puwesto niya, wala pa ring tiwala ang taumbayan sa kanya. Ganyan ang pagkakakilala sa kanya ng tao. Ganyan siya huhusga-han ng kasaysayan!