'Lodging', 'panigarilyo': ransom pa rin 'yun
Doble ang pagkakamali. Hindi nag-iisip si Sulu Vice Gov. Lady Ann Sahidulla nang abutan ng P150,000 na “panigarilyo” ang mga Abu Sayyaf na nagpalaya sa kanya ng Italyanong bihag nitong nakaraang linggo. At hindi rin nag-iisip si Malacañang deputy spokesman Gary Olivar nang, sa tuwa sa balita, ay nagsabing tama ang ginawa ni Sahidulla dahil pinalaya naman ng mga armadong kidnapper ang dayuhan.
’Yang kababawan ng isip ng mga opisyales sa lokal at nasyonal ang rason kung bakit namamayagpag ang mga teroristang Abu Sayyaf. Hindi dapat binibigyan ni isang kusing o butil ng bigas ang mga mamamatay-tao ng Abu Sayyaf. Kasi, bawat pera o pagkain na ipagkaloob sa kanila ay magagamit nilang pambili ng armas at pampa sigla para sa susunod na kilos-terorista. Dapat pagkaitan sila ng anumang ikalalakas ng puwersa: Tulog at pahinga, kubo at taguan, baril at pagkain. Sa gan’ung paraan, mapipilitan silang sumuko upang harapin ang sapin-sapin na kaso ng pamumugot ng mga pari at bihag, paghihiwa ng dibdib ng mga babaing guro, at panggagahasa ng mga bata. Kung hindi man, mapipilitan silang magpakamatay, para sa impiyerno mabatid na ang inaasam-asam na pitumpu’t pitong birhen ay mga demonya pala.
Malaon nang binabayaran ng mga opisyales ang Abu Sayyaf ng ransom. Iba-iba nga lang ang tawag. Kung minsan, “board and lodging,” o kaya ay “economic and livelihood assistance.” Pero anuman ang itawag nila, ransom pa rin ‘yon — bawal na bunga ng krimen na kidnapping. Biruin mo, may gana pa silang maningil ng ipinakain at tinulugan ng mga bihag na sapilitan nilang kinuha mula sa bahay o trabaho. O kaya, may gana pa silang magsabi na kaya sila nangki-kidnap for ransom ay dahil wala silang ibang ikinabu buhay. At ang mga mahihinang-utak naman sa gobyerno ay nagbibigay nga ng “board and lodging,” umaabot sa P5 milyon kada bihag kada buwan. At binigyan pa ng lupa, binhi, baka at kambing ang isang kumander, na dapat ay lason ang ipinagkaloob.
Isa lang ang tamang gawin sa Abu Sayyaf: Lipulin na sila.
- Latest
- Trending