Ang liderato ni Chief Supt. Jaime "Boogie" Calungsud
AABOT sa 120 pulis sa Southern Police District (SPD) ang makikinabang sa housing project ng Philippine National Police (PNP). Ipatatayo kasi ang three or four-storey building sa loob mismo ng headquarters ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa Taguig City. Nagkaroon na ng ground breaking ceremony noong Miyerkules na ang naging pangunahing panauhin ay si Dir. Romeo Hilomen, ang hepe ng directorate for comptrollership ng PNP. Siyempre nandoon din sina NCRPO director Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales, SPD director Chief Supt. Jaime “Boogie” Calungsud at Chief Supt. Benedict Fokno, hepe ng engineering ng PNP.
Ang building ay may budget na P130 milyon at ang plano nito ay kasalukuyan pang tinatapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kaya’t sa ngayon, medyo excited na ang mga pulis sa SPD at magkakaroon din sila ng matawag nilang sariling bahay sa panahon na lumalaki ang bilang ng pamilya nila. At malaki tiyak ang pasasalamat nila kay Calungsud dahil sa ilalim ng liderato nito ay nagkakaroon sila ng pabahay. ‘Ika nga hindi na sila titira sa squatters area. Buwenas naman nitong mga taga SPD.
Hindi lang ‘yan. Nagkaroon din ng shooting compe-tition ang mga pulis at sibilyan sa SPD firing range noong Hulyo 10-11 para magkaroon ng pagkakataon ang mga ito na iputok ang kanilang mga baril at magkaroon sila ng magandang samahan. Ang shootfest na tinaguriang SPD director’s cup ay may pitong category at siyempre may nag-champion nga. Nais nating batiin ang mga champion na sina Vicente Raquion sa individual category; Marshall Tallog sa shotgun; Christopher Constantino sa rifle; Pasay City police sa Team award; Sr. Supt. Clifton Empiso sa Chief of Police category; Joan de Vera sa lady category at Pasay City police pa rin sa SWAT category.
Ayon kay Calungsud, ang pangunahing layunin ng shootfest ay para sanayin ang mga pulis sa pagha-wak at pagpaputok ng baril. May illan kasing pulis na hindi pa gamay ang kanilang baril kaya kadalasan ay sumesemplang sa pakikipagbarilan sa mga kriminal. Kaya’t dapat sundan ng iba pang district directors si Calungsud.
Maging si Rosales ay kumpiyansa sa liderato ni Calungsud. Itong si Calungsud ay deputy ni Rosales noong SPD director pa siya. At nang lisanin ni Rosales ang SPD, natalaga na kapalit niya si Dir. Luizo Ticman, na hepe na ng directorate for logistics, bago si Calungsud.
Sa ngayon, kuntento na si Rosales sa trabaho ni Calungsud sa SPD at may balita pa ako na may pupuntahan itong magandang puwesto sa hinaharap. Sa PRO1 kaya o sa PRO3? Kayo na ang bahala sumagot mga suki.
Abangan!
- Latest
- Trending