EDITORYAL - 100 'biyaherong' mambabatas

SINASAMANTALA ng mga “biyaherong” mam­babatas ang madalas na foreign trips ni President Arroyo kaya “sumasabit” o “umaangkas” sila. Pagkakataon na nga naman na makarating sa iba’t ibang bansa nang libre. Kararating lang ni Mrs. Arroyo mula sa Egypt pero sa July 30 ay tutulak na naman siya patungong United States para maka-meeting si Barack Obama. Ang biyahe ni Mrs. Arro­yo sa US ay ika-51 na mula noong manungkulan ng 2001. At sa lakad niyang ito ay matindi ang kasa­ma niyang mga “biyahero”. Paano’y nasa 100 mam­baba­tas ang “aangkas” sa kanya. Matindi nga! Alam n’yo ba na P3 bilyon na ang nagagastos ng Arroyo administration sa mga biyahe mula pa noong 2001?

Sa nakaraang biyahe pala ni Mrs. Arroyo sa Egypt ay maraming nag-backout na mga mambabatas. Mas pinili nilang sa US na lamang sumama kaysa Egypt na ang pyramid lamang umano sa Giza ang makikita. Nang ihayag daw ng Malacañang ang pagtungo sa US para makipag-meeting kay Obama, dinagsa ang House office ng request para makasa­ma kay Mrs. Arroyo. Noong nakaraang dalaw sa US ni Mrs. Arroyo, 20 “biyaherong” mambabatas ang kasama niya sa biyahe pero hindi naman nakipag-usap sa kanya si Obama. Tatlong beses na nabigo si Mrs. Arroyo sa pakikipag-meeting sa US president.

Ngayon ay 100 “biyahero” ang sasama sa Presi­dente at hindi kami naniniwala na ang gagastusin nila sa pagbiyahe ay galing sa sarili nilang bulsa. Gagastos ba ang mga “biyahero” gayung kasama nila ang Presidente? Tiyak na galing sa buwis ng taumbayan ang kanilang gagastusin. Madadagda­gan na naman ang bilyong piso na nagastos na sa walang tigil na pagbiyahe mula pa noong 2001. Ha­bang ang mga “biyaherong” mambabatas ay nagpa­pasarap sa kanilang walang tigil na pangingibang bansa, ang kanilang mga mahihirap na constituents ay hindi naman malaman kung saan kukunin ang kakainin sa almusal, tanghalian at hapunan. Habang ninanamnam ng mga “biyahero” ang sarap sa US, maraming constituents nila ang hindi malaman kung paano makakabili ng murang gamot para sa kanilang sakit. Maraming mahihirap na constituents nila ang namamatay na lamang na hindi na naipaga­gamot dahil walang perang pampaospital.

Bilyong piso na ang kanilang nagagastos sa pagbibiyahe na sana ay ginamit na lamang sa kapa­kanan ng mga mahihirap na mamamayan. At kakat­wa namang sa panahon ng election, ang mga mahi­hi­rap ding ito ang kanilang liligawan at uutuin para muling makaupo sa puwesto. Shit na mga “biya­hero”. Tandaan ang pangalan ng mga mambabatas na mahilig magbiyahe at itulak palabas pagsapit ng 2010 elections.

Show comments