EDITORYAL - Amnesty daw o!
Marami na sana ang humahanga kay Sen. Richard Gordon. Sino ba naman ang hindi hahanga sa senador gayung napakasipag niya. Galit nga siya sa mga tatamad-tamad. Maaga siyang gumigising para magsimula sa kanyang trabaho. Sa mga senador ngayon ay wala pa sigurong makahihigit kay Gordon kung sipag din lang ang pag-uusapan.
Pero naguho sa isang iglap ang paghanga kay Gordon nang imungkahi niyang bigyan ng amnestiya ang mga mamamatay-taong Abu Sayyaf. Yes, bigyan daw ng amnestiya ang mga nangidnap sa tatlong Red Cross volunteers na ang isa ay kailan lamang napalaya. Anim na buwang binihag ng mga mamamatay-taong Sayyaf si Eugenio Vagni. At hindi pa sana palalayain kung hindi nahuli ng military ang dalawang asawa ni Al-badel Parad, lider ng Sayyaf na kumidnap kina Vagni noong Enero 2009 habang nagsasagawa ng clinical mission.
Sayang ang ipinakitang sipag at punyagi ni Gordon na mababalewala lang dahil sa kanyang panukalang bigyan ng amnestiya ang mga mamamatay-tao sa Basilan at Sulu. Nakapagtataka kung bakit biglang naisip ni Gordon na pagkalooban ng amnestiya ang Sayyaf na matagal nang nagbigay ng dungis sa Pilipinas.
Nalimutan na kaya ni Gordon na ang Sayyaf ang pumugot sa ulo ng Amerikanong si Guillermo Sobero makaraang kidnapin sa Dos Palmas Resort sa Palawan. Nalimutan na ba ni Gordon na ang Sayyaf ang pumatay kay Father Rhoel Gallardo na binunutan muna ng kuko sa kamay at paa? Nalimutan na kaya ni Gordon na ang Sayaff din ang pumugot sa ulo ng dalawang lalaking guro sa Basilan at pagkaraan ay ikinalat ang mga ulo sa palengke. Nalimutan na ba ni Gordon na ang Sayyaf ang pumatay sa isang babaing guro makaraang tapyasan ng suso?
Marami pang kasamaang ginawa ang Sayyaf na hindi dapat bigyan ng kahit kaunting pagkakataon. Ang mga ginawa nilang pangingidnap at pagpatay ay hindi gawain ng mga normal na tao. Sobra ang ginawa nilang kasamaan kaya kamatayan din ang dapat sa kanila at hindi amnestiya kagaya ng naisip ni Gordon.
Sayang si Gordon na habang nagpapakahirap ang military para mahuli at pagbayarin ang Sayyaf ay gusto naman pala niyang bigyan ng amnestiya. Anong nangyayari kay Gordon?
- Latest
- Trending