Suhol o hindi?
Ngayong lumalabas na ang mga detalye ng naganap na miting sa pagitan ng President, Sec. Duque, Sec. Favila at mga malalaking pharmaceutical companies, unti-unti ring nakikita ang tunay na pakay ng mga kompanya. Nag-alay pala ng mga discount cards sa gobyerno ang Pfizer, isa sa pinaka-malaking kompanyang gamot sa buong mundo. Ang limang milyong discount cards ay maaaring humalaga ng isangdaang milyong piso o higit pa!
Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, tila suhol itong alay ng Pfizer sa administrasyon, para hindi na muna patuparin ang MRP sa 22 mga kilalang gamot na binebenta sa merkado. Ayon sa Pfizer, hindi ito suhol at matagal na silang namimigay ng mga “sulit cards” sa maraming pumapatnubay sa kanilang produkto, bago pa pinag-uusapan ang Cheaper Medicines Law. Itinanggi nila sa malalakas na salita na ito’y suhol.
Alam ko na namimigay ang Pfizer ng mga discount cards na iyan, partikular para sa gamot nilang Norvasc na pang high-blood. Alam ko na malaki ang discount sa Norvasc kapag meron ka nito. Pero ang sulit cards ay para sa mga partikular na produkto ng Pfizer lang, at hindi para sa lahat ng produkto nila. At alam kong nilabas ng Pfizer ang sulit cards para sa Norvasc dahil marami nang kalaban sa merkado na mas mura.
Kaya naman palang ibaba, bakit kailangan pa ng sulit cards? Pero para ialay nila sa isang miting kung saan pinag-uusapan ang mga ibang alternatibo maliban sa isinabatas nang MRP, iisipin mo talaga na may ibang intensiyon ang kompanya. Kung baga, masama talaga ang timing ng “tulong” nila.
Hindi pa talaga tapos ang laban para sa murang gamot sa Pilipinas. Kahit batas na ay pilit hinaharang pa rin ng mga pribadong kompanya! Kinailangan pa natin ng batas na ganito, kahit alam natin na sa mga ibang bansa ay mura lang ang mga gamot na tinutukoy ng MRP.
Ang Norvasc halimbawa ay P7 lang sa India. Dito sa atin ay P44.50 para sa katumbas na gamot. Malayo talaga, at puwede namang ibaba nang hindi “malulugi” ang mga higanteng kompanyang iyan katulad ng Pfizer. Pilit nilang sinasabi na ang pagbababa ng presyo ay hindi remedyo sa mataas na presyo. At ang gusto nila ay boluntaryo silang magbababa ng presyo, at hindi sa pilitan. Kayo na ang humusga kung ano ang ibig nilang sabihin!
- Latest
- Trending