Ano ang pakay ng pharmaceutical companies?

Tulad ng inaasahan, hindi sumipot si Presidente Arroyo at miyembro ng kanyang Gabinete sa imbitasyon ng Senado para magbigay liwanag sa naganap na miting sa pagitan ng Presidente at opisyal ng mga malalaking pharmaceutical companies sa Pilipinas. Mga kompanya na bilyon ang kinikita sa paggawa ng mga kilalang gamot sa buong mundo.

Alam ko, hindi sang-ayon ang mga kompanyang ito sa Cheaper Medicines Law, at kinalaban sa simula’t simula ng panukalang ito. Marami ring opisyal ng mga kompanya ang hindi rin dumalo, maliban kay Reiner Gloor, executive director ng Healthcare Association of the Philippines. Ayon kay Gloor, nandun din sa miting si Sec. Duque ng DOH at Sec. Peter Favila ng DTI.

Ang tanong, para saan ang miting na iyon? Ayon mismo kay Gloor, gusto nilang ipahiwatig sa Presidente na baka may mas mabubuting paraan para makamit din ang pakay ng lahat, at ito ang nakabubuting programang pangkalusugan para sa mamamayan ng Pilipinas, lalo na para sa mga naghihirap. Sa madaling salita, baka naman daw hindi ang pagmumura ng gamot ang makatu­tulong nang husto sa mamamayang Pilipino.

Parang nakikita at naririnig ko na ang mga reaksyon ninyo. At ano naman ang mga ibang pamamaraan na iyon? Mas pakinabangan pa nang husto ang Philhealth, o ang pagpasok ng iba pang mga gamot na mura na sa umpisa. Sa madaling salita, huwag yung kita nila ang bawasan. Dapat gobyerno ang sumasagot sa panga­nga­i­langan ng mamamayan, at hindi sila ang dapat magbayad.

Ang problema lang, pumasa na ang Cheaper Medicines Law sa Senado at House of Representatives. Batas na ito at lagda na lang ng Presidente ang kinakailangan para mapatupad na. Kumbaga, tapos na ang boksing, pero gusto pang kwestiyunin ng mga natalo ang pagka­panalo ng kalaban nila. Baka may mas magandang paraan para panalo pa rin sila! Kung batas na ito, ano pa ang pakay nila sa pag-uusap sa Presidente?

At bakit pa kinausap ng Presidente, kung batas na nga ito? Parang humahanap ng padrino ang mga kom­panya, para maisulong ang pagkontra nila sa MRP at sila ang tatamaan nang husto ng pagbaba ng presyo! Masama bang tanungin ang mga tanong na ito? Para sa mamamayan ang Cheaper Medicines Law, at wala nang iba. May mas magandang paraan pa ba sa murang gamot, bukod sa libre, para makatulong sa mga naghi­hirap na mamamayang may kapansanan at sakit? Napa­ka­liwanag na ang iniisip lamang ng mga kompanyang ito ay ang kanilang patuloy na magandang kita.


Show comments