^

PSN Opinyon

Sexual predators sa PNP!

DURIAN SHAKE -

 LUHAANG humarap sa isang press conference dito sa Davao City noong Biyernes ang anim na babae, umaapela, nagmamakaawa. Humihingi sila ng tulong sa media na sana’y makamit nila ang hustisya sa ginawang kahayukan at kababuyan sa kanila ni Senior Supt. Cesario Darantinao Jr., dating hepe ng Davao del Sur provincial police office.

Ngunit hindi sila mga basta-bastang babae lamang. Sila ay may mga mabibigat na responsibilidad sa ating lipunan. Mga myembro sila mismo ng Philippine National Police. Sila yong mga babaeng inaasahan natin sa hanay ng PNP na poprotekta sa ating mga kapwa babae at sa mga kabataan natin sa sinasabing Children and Women Division ng pulisya.

Ang masakit at ang masaklap ay hindi nila kayang protek­tahan ang mga sarili nila sa mga kalaban na nasa loob lang ng PNP na gaya ni Darantinao! Nasa loob ng PNP ang kalaban nila, ang mga sexual predators na katulad ni Darantinao na walang pakundangang binabahiran ang imahe ng PNP.

“We were trained to protect women and children. We were trained to fight the enemy of the state like the New People’s Army but we were not trained to fight the enemy from within the PNP,” luhaang sinabi ng isa sa mga policewomen na nag-akusa kay Darantinao, ang 51-year old na graduate ng Philippine National Police Academy.

Tatlo sa anim na babae ay mga policewomen habang ang isa ay police trainee at ang dalawa ay mga asawa ng police officers din ng Davao del Sur. At isa sa kanila ay asawa mismo ng deputy ni Darantinao sa nasabing provincial police office. Naghain silang lahat ng rape at sexual harassment charges laban kay Darantinao na inakusahan nila ng panggagahasa at sexual harassment sa magkaibang okasyon.

Nakakalumong basahin ang mga affidavits ng mga biktima. Lahat ng mga sexual acts ay nangyari sa loob ng quarters ni Darantinao sa kanilang provincial headquarters. Anong klaseng tao at police official si Darantinao at nakaya niyang gawin yon sa mga policewomen niya at maging sa asawa ng kanyang deputy officer?

Ang naging bukambibig daw ni Darantinao ay “Mag-report ka dito sa quarters ko. PD mo ako,” upang mapilitang pumunta ang mga policewomen sa kanyang quarters. Talagang ginagamit niya ang kanyang authority sa paghikayat sa mga babaing pumunta sa kanya na pinapapasok pa niya sa bedroom niya.

At ayon sa kanila, may iba pang biktima si Darantinao na inaasahan nilang lalabas din pag nakahugot na rin ng tamang lakas upang lumantad.

Kinuha ko naman ang panig ni Darantinao at kinausap ko siya sa cell phone. Sinabi niyang hindi muna siya magsasalita hangga’t matanggap niya ang kopya ng formal complaints na nasa National Police Commission at nasa Ombudsman. Sinabi rin niya na siya ay restricted na sa regional police headquarters dito sa Camp Catitipan upang masagot niya ang anumang imbestigasyon sa kanya.

Sinabi ni Darantinao na handa niyang harapin ang mga akusasyon para linisin ang kanyang pangalan.

Ngunit ito lang masasabi ko, talagang kapani-paniwala ang mga reklamo ng mga biktima dahil walang gagang babaing sisigaw ng rape na alam niyang nakasalalay ang reputasyon niya at maging ng pamilya niya paglumantad siya sa publiko. Hindi biro ang sumigaw ng rape. At lalong hindi nagbibiro o gumagawa-gawa lang ng eksena ang mga babaing ito.

Kawawa ang mga babaing ito dahil naging problema na rin nila ang security nila. Takot sila dahil hindi nila alam kung sino ang pagtitiwalaan nila.

Tinutulungan na ng Volunteers Against Crime and Cor­ruption (VACC) ang mga biktima ni Darantinao. Dumating nga rito si VACC chairman Dante Jimenez na nag-facilitate sa press conference noong Biyernes. Kailangan ng mga biktima ang suporta ng VACC at ng ibang sector ng lipunan.

Dumulog na rin sa Integrated Bar of the Philippines, partikular na kay Atty. Ramon Edison Batacan, ang outgoing IBP Governor for Eastern Mindanao, ang mga nasabing babae upang sila ay tulungan sa kanilang legal na pangangailangan.

At ako po ay nananawagan kay PNP chief Dir. Gen. Jesus Versoza na dapat may drastic measures siyang gagawin to weed out such bad elements gaya ni Darantinao sa PNP. Hindi sapat ang relief ni Darantinao noong July 3 bilang chief ng Davao del Sur PNP.

Nananawagan din ako mismo kay President Arroyo na dapat gumawa siya ng hakbang para sa mga babaing inabuso ni Darantinao.

Madam President, babae ka rin po.


BIYERNES

DARANTINAO

DAVAO

NILA

NIYA

PNP

POLICE

SINABI

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with