Maraming tagahanga si Michael Jackson
NAGULANTANG ang mundo sa pagkamatay ni Michael Jackson. Marami ang nalungkot at nagluksa. Akala mo, namatayan sila ng isa sa mga malalapit na kamag-anak. Para sa akin, si Jackson ay magaling na entertainer, singer, dancer, composer at performer.
Akala ko, nasira na ang pangalan ni Jackson dahil sa hindi magagandang bagay na kinasangkutan niya katulad ng kaso ng droga, pagmomolestiya ng mga batang lalaki at iba pang nakasisira sa imahe.
Subalit, nabaliktad ang pangyayari nang mapabalita ang pagkamatay nito. Dumagsa ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo para masilayan ang bangkay ni Jackson. Naging malaking problema ng pamilya at pulisya kung papaano maiiwasan ang pagkakagulo ng mga tao.
Lalong nagkagulo ang mga tagahanga ni Jackson nang ibalita na magkakaroon ng memorial rites sa Staples Center sa Los Angeles, California. Malalaking pangalan sa industriya ng musika at showbiz ang magpe-perform at magsasalita para parangalan si Jackson. Maraming nanghinayang dahil hindi sila nakapanood sapagkat hindi sila nakabili ng tiket. Madaling naubos.
Saludo ako sa dami ng humahanga at umiidolo kay Jackson. Isa ako sa mga masusugid na tagahanga ni Jackson. May karapatan siyang tawaging Total Enter-tainer of All Times.
- Latest
- Trending