Ang isang larawan ay higit pa sa isang libong salita. Hindi mo maitatanggi kung ikaw nga ang nasa litrato maliban na lamang kung ito ay pinalabo ng maling hinala.
Nagsadya sa aming tanggapan si Mervin Pascua, 23 taong gulang tubong Victoria, Tarlac kasalukuyang nakatira sa Bagumbayan, Taguig City upang ihingi ng tulong ang pagkasangkot niya sa isang nakawan sa Eastern International Plastic Packaging Corporation, kumpanya na kanyang pinapasukan.
Nakapagtapos ng ‘vocational course na ‘Electronics’ si Mervin dahilan upang makapagtrabaho siya bilang isang ‘warehouse staff’ sa nabanggit na kumpanya.
Sa halos apat na taong pagtatrabaho ni Mervin, nakaugalian na niyang matulog sa loob ng Eastern kasama ang iba pang mga trabahador.
Marso 2009 ginising si Mervin ng gwardiya para tanungin kung may kinalaman siya sa pagnanakaw ng mga tanso.
Ayon kay Mervin ang kumuha ng mga tanso ay ang kanyang katrabahong si Loloy na isang pahinante ng ‘Prime Mover’ at tagahatid ng ‘finished product’ ng mga plastics.
“Sa aking pagkakaalam nahuli si Loloy nung umaga ng Linggo, buwan ng Marso, nang buksan ng guard yung bag niya ay nakita ang nawawalang tanso,” kwento ni Mervin.
Nakuha di umano kay Loloy ang handle na ‘tirade’ na tanso na kinuha nito mula sa ‘blowing machine’.
“Pati po ako ay inimbestigahan ng gwardiya at tinanong si Loloy kung kasabwat niya ako at sinabi naman nito na wala akong kinalaman kaya pinalabas agad ako ng gwardiya”, paglalahad ni Mervin.
Dagdag pa ni Mervin na minabuti ng mga gwardiya na ipabalik kay Loloy sa machine shop ang mga tansong kinuha nito upang matapos na ang gulo.
Itinurn-over si Loloy sa pulis subalit ayaw itong tanggapin dahil wala naman daw ‘complainant’ o nagrereklamo laban dito. Ayon kay Mervin.
Kinailangan ibalik si Loloy ng mga guwardiya sa Eastern at dun na siya nakatakas.
Kaya ganun na lang ang pagkabigla ni Mervin ng makalipas ang dalawang buwan ay tumawag ang kaniyang ina at binalitang nakatanggap sila ng subpoena .
“Iyak ng iyak ang nanay ko nung makausap ko siya. Tinatanong niya ako kung totoo daw ba na sangkot ako sa nakawan kagaya ng nakasulat sa subpoena,’” paglalahad ni Mervin.
Pinatawag si Mervin ni Juan Barsana, General Manager ng Eastern at pinanood sa kanya ang kuha sa Closed Circuit Television (CCTV).
Napanood niya sa video si Loloy na umaakyat sa bakod ng machine shop at binabalik ang tanso. Pilit na ipinapaliwanag na Mervin na si Loloy ang nasa CCTV ngunit ayaw makinig umano nitong si Barsana at siya ang sinasabing nasa CCTV.
“Pinapaamin ako ni Sir Barsana noon, sinabi niyang aminin mo na! ikaw yung nasa CCTV camera, pina-identify ko na sa NBI. Wala naman akong maamin ng mga panahong yun dahil di naman ako nagnanakaw ng tanso,” sabi ni Mervin.
Si Loloy ay maitim, matangkad at malaki ang katawan sabi ni Mervin samantalang si Mervin naman ay maliit, payat at kayumangi.
“Sa tindig palang ay magkaiba na kami kaya’t kahit sinong makakita sa CCTV na pinanuod nila sa akin ay imposibleng may magsabing ako yun”, pagsasalarawan ni Mervin.
Hinamon ni Mervin ang Eastern na iharap ang dating gwardiya na si Roel Lagarto, ang guard na nakahuli kay Loloy para malaman ang totoong pangyayari.
Hinaing ni Mervin na kahit anong paliwanag ay di siya pinapakinggan ng kumpanya kaya’t naisipan na niyang humingi ng tulong sa aming programa.
“Sino ba namang makikinig sa isang simpleng empleyadong kagaya ko laban sa isang malaking kumpanya,” wika ni Mervin.
Tinawagan namin ang tanggapan ng Eastern at nakausap namin ang isang nagpakilalang Myra Tamayo upang hingin ang kanilang panig sa pangyayari.
Ayon sa aming pag-uusap sinabi niya na ‘compartmentalize’ ang bawat lugar sa kanilang kumpanya ay may CCTV. Kasama umano si Mervin na nakita na nagbubuhat ng tanso sa CCTV.
Ito’y mabilis namang pinabulaanan ni Mervin.
“Si Loloy lang po ang andun sa video na napanood ko at wala siyang ibang kasama o katulong sa pagbubuhat “, salaysay ni Mervin
Inanyayahan namin si Myra para makausap sa aming radio progam, “Hustisya Para sa Lahat.” Pumayag naman ito at itinakda namin ng alas tres y media nung araw na yun.
Tinawagan namin si Myra ngunit biglang hindi na siya maaring makausap. Nasa isang “emergency meeting” daw ito.
Idinagdag sa amin ni Mervin na parati sinasabi sa kanya ni Myra na huwag mag-alala at wala naman daw yun.
“Sa katunayan nga po ay malapit na ang hearing at sinabi ng aming personnel na si Myra Tamayo na hindi ko na kailangan ng abogado. Pero ako po’y hindi naniniwala sa sinabi niyang yun kaya ako’y lumalapit sa inyo,” pahayag ni Mervin.
Pinapunta namin si Mervin sa Preliminary Investigation para kunin ang kopya ng “complaint affidavit laban sa kanya. Siniguro din namin na bibigyan namin siya ng abogado upang makatulong sa kayang problema.
Para sa isang PATAS at BALANSENG PAMAMAHAYAG ay sinubukan naming tawagan ng ilang beses ang kumpanya ng Eastern upang makuha ang kanilang panig ngunit isang Cynthia Salvador ang sumagot ng tawag at sinabi nitong wala si Myra Tamayo at wala ni sinuman ang maari naming makausap na may alam sa kasong hinaharap ni Mervin.
SA GANANG AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo man na malinaw sa inyong ‘camera’ na si Mervin nga ang inyong itinuturong nasa video na kumukuha ng tanso ay ilabas ninyo ito at ipakita upang magkaalaman kung ano ba ang katotohanan.
Sa ngayon ay nasa prosecutors office daw ang kaso.
Upang ma-verify kung meron na ngang kaso laban kay Mervin, inirefer namin siya kay City Prosecutor Archimedes Manabat ng Taguig para sa agarang aksyon sa problemang ito.
Napakalaking tulong ang CCTV.. Maari itong maging ‘surveillance’ upang makunan ang mga taong may masasamang intensyon sa isang kumpanya, o kahit saan lugar na kailangan ng maigting na pagbabantay.
Samantala sumusumpa itong si Mervin na wala siyang ninanakaw na tanso at handa siyang sumailalim sa isang polygraph (lie-detector) test upang patunayan ito. (KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. O mag-email sa tocal13@yahoo.com. Maari din kayong magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email: tocal13@yahoo.com