Nakakarating sa BITAG ang pagputak at pag-areglo ng pulis hulidap ng Station 10, Quezon City na si PO1 A. Q. Regato alyas Abdul sa ginang na nagreklamo sa aming tanggapan.
Matatandaan na huling linggo ng Hunyo nang muntik mahulog sa BITAG ang pangingikil ng pera ng ilang pulis sa Anti-Illegal Drugs ng Station 10 matapos hulihin ang isang maliit na negosyanteng Muslim.
Matapos makuhanan kuno, kapalit daw ng paglaya ay halagang P200,000 na bumaba sa P180,000 hanggang maging P50,000, katatawad ng asawa ng biktima.
Ang siste, isang entrapment operation sana ang inihanda ng BITAG at Regional Police Operative Intelligence Unit ng National Capital Region Police Office, natimbrehan yata ang mga kolokoy kaya’t hindi nagtagumpay ang nasabing operasyon.
Ganunpaman, nakalkal ng BITAG ang kanilang kalokohan dahil sa magkaibang ulat ng kanilang asset na kasama mismo sa paghuli sa biktima ng hulidap at sa report ng kanilang imbestigasyon.
Matapos mangako sa BITAG ng Station Commander ng Station 10 na si Col. Balingasa na ire-relieve raw niya ang mga pulis na inireklamo sa hulidap, nakarating sa amin na pagala-gala pa raw ang mga ito sa nasabing istasyon.
Nakaabot na rin sa kaalaman ng BITAG ang pananakot mo PO1 Regato sa asawa ng inyong biktima na kung hindi hihingi ng public apology ang ginang sa pagtuturo sa’yo, hindi kamo makakalabas ng kulungan ang kaniyang asawa.
Ano kamo? Kelan ka pa naging attorney, fiscal o judge para hatulan ang isang sus pek na hindi pa napapatunayan sa hukuman ang kaniyang pagkakasala?
Kung hindi kamo makikipag-areglo ang ginang ay mawawalan ng saysay ang kanilang paglapit sa BITAG.
Baka hindi mo nalalaman ang pinagsasabi mo, PO1 ka pa lang ang taas na ng sungay mo. May buntot pang kasama.
Malas mo lamang at naidokumento ng BITAG ang panghihingi mo ng pera sa asawa ng iyong biktima. Patunay ito sa ginagawa mong modus na gamitin ang droga para makapangikil ng pera.
Baka hindi mo pa rin nalalaman, BITAG na ang magsasabi sa’yo, mabigat na batas ang nilabag mo at ng mga kasama mong hulidap din ang trabaho.
I-research mo ang Republic Act 9165 na nagpa- parusa ng kamatayan sa mapapatunayang alagad ng batas na nagpaplanta ng anumang iligal na bagay upang manghuli lamang. Tsk tsk, patay kang bata ka.