SADYANG NILIKHA ANG MGA MANLOLOKO para sa mga nagpapaloko at sa taong tulog sa katotohanan.
Ito’y natuklasan ng isang 40 anyos na binata, si Johannes “Johan” Marques ng Makati City, dating Liaison Officer ng isang International Agency at kasalukuyang Sales Professional matapos siyang umano’y maloko ng isang Canadian Visa Scam.
Mayo 5, 2009 ng ma-research ni Johan sa ‘internet’ ang ‘website’ ng Havas Royal Hotel na nakabase sa Victoria, Canada matapos siyang makatanggap ng ‘email’ mula sa Albertajob.com tungkol sa ‘Job Hiring’ sa nasabing hotel.
Kasalukuyang nangangailangan ng trabaho si Johan noon na nagkataon na nag-didirect hiring ang hotel sa mga nagnanais maging ‘house keeper’ kaya dali-dali siyang nagpasa sa ‘online application’ ng kanyang resume.
“Nanabik akong bigla dahil sakto sa kinuha kong Vocational Course na House Keeping ang trabahong naghihintay sa Havas Royal. Mas kinatuwa ko nang makita ko ang kanilang starting salary na $US 2,000 o halos P96,000 kada buwan. Sino ba na mang di masisilaw sa katumbas na 1 milyon mahigit na kita sa isang taon?” salaysay ni Johan.
Kinabukasan agad na nakatanggap ng email si Johan mula sa Human Resources Representative ng Havas Royal Hotel na nagpakilalang Bill at nagsasabi na kuwalipikado siya sa posisyong kanilang hinahanap.
Upang makasiguro tinawagan ng kanyang kapatid na si Lady Bell Marquez isang nars sa Canada si Bill sa ‘contact number’ na iniwan nito. Nakausap naman siya ni Lady at pati siya ay nakumbinsi kaya pinagsabihan niya si Johan na ipagpatuloy ang online application.
Nag-email muli si Bill sa kanya at sa pagkakataong yun ay hiningian siya ng ‘requirements’ na kakailanganin sa pagproseso ng kanyang working visa at nangakong dalawang buwan lang ang kanyang hihintayin para makaalis ng bansa.
Agarang kinumpleto ni Johan ang mga requirements at mabilis niyang i-finax ang ang lahat ng ito sa iniwang numero ni Bill sa Manila@Canadian Embassy.
Muling nakatanggap ng email si Johan mula kay Bill at nagsasabing kailangan siyang magbayad ng $US 2,295 para sa kanyang Health Insurance at agad naman siyang naghanap ng pera para makaabot sa hinihinging halaga.
Mabilis na pinadala ni Johan ang pera sa Western Union ngunit nagkaroon ng problema ng di marelease ang kanyang Health Insurance Certificate dahil sa lumalabas na dalawang receiver sa pangalan nina Sheryl Prat at Sheryl E. Prat kaya minabuti na lamang ni Johan na ipai-refund ang kanyang pera sa pamamagitan ng Remmitance/money gram.
Matapos ang insidente ay nakatanggap ng panibagong email si Johan sa Immigration Home Canada at ini-refer siya sa Asia Africa Coordination para sa pagproseso ng kanyang Health Certificate at noon ay pinagbabayad naman siya ng $US 1,060, agad naman niyang pinadala muli ang pera sa Western Union.
“Nang mga oras na iyon di ako makatulog sa gabi, lagi akong naghihintay. Iniisip ko noon sana dumaan na ang mga araw upang mas mapalapit ang paglipad ko sa Canada,” wika ni Johan
Makalipas ang ilang araw nagulat siya ng natanggap niya ang kanyang ‘scanned’ ID, ang pinagtataka niya lang ay kung bakit Permanent Residence ID ang nakalagay gayung Contract Worker ang nilagay niya sa application.
Gayun pa man di na pinansin pa ni Johan ang pagkakamali ng kanyang ID at mabilis na lamang dinownload at pinrint ang kopya nito.
Sunod namang pinabayad sa kanya ay ang Visa Consular Certificate na nagkakahalaga ng $US 612 at Anti-terorism sa halagang $US 1000 na ayon kay Bill ay kanyang mababawi ng buo pagdating sa Canada. Pinangako ni Bill na ipapadala agad sa kanya ang Visa pagkabayad na si Johan at asahang makakaalis siya sa susunod na buwan.
“Pakiramdam ko nun parang panaginip talaga ang lahat, napaka bilis ng mga pangyayari’t naisip kong parang nung isang araw lang ay inaasikaso ko pa lang ang aking mga dokumento pero heto na ako, sa susunod na buwan ay makakaalis na ako papuntang Canada,” maramdaming sabi ni Johan.
Ayon sa kanyang salaysay nang natanggap ni BilI ang kabuuang bayad, inutos na niyang ipadala nito ang kanyang Pasaporte sa Manila@Canadian Embassy. Dali-dali naman itong pinadala ni Johan sa nasabing tanggapan.
June 4, 2009 ng mag-email si Bill kay Johan at sinabing sa June 9 2009 na ang lipad niya papuntang Victoria, Canada at kunin nalang mismo ang kanyang ticket sa parehong araw sa Japan Airlines, byaheng Japan-San Francisco-Victoria. Agad kinupirma ni Johan ng araw ding yun ang kanyang pangalan at flight.
Matapos makumpirma sinubukan niya muling i-check ang Japan Airlines tungkol sa kanyang pag-alis subalit limang araw lang ang nakalipas wala na ang kanyang pangalan sa listahan ng mga biyahero.
“Positibo pa rin ang tingin ko sa lahat matapos maglaho ang pangalan ko sa listahan ng mga taong naka-sched sa flight na iyon, ang sa akin iniisip kong baka nagkaproblema lang sa pag-release ng aking plane ticket, anu’t ano pa na man tiwala akong makakaalis ako ng buwang iyon gaya ng pinangako ni Bill,” pahayag ni Johan.
June 12, 2009, nakatanggap siya ng email mula sa Manila@Canadian Embassy na sinasabing natanggap na nila ang passport ni Johan at hintayin na lamang niya ang ID at ang kanyang Working Visa. Doon ay bahagyang nagduda na si Johan ngunit di pa din siya pinanghinaan ng loob.
June 23, 2009 ng umaga, nagulat nalang siya ng nakatanggap siya ng sulat mula sa Office of Consular Affair at pinapakuha ang kanyang pasaporte dahil sa umanong iregularidad nito. Agad naman niyang sinangguni sa Inter-Agency Committee Against Passport Irregularities (ICPI) ang pagbaik ng kanyang pasaporte at giniit naman na may problema ito.
“Nanlumo ako sa pangyayari isa lang ang nasasaloob ko ng mga panahong yun, ang gago ko para magpalinlang!” wika ni Johan.
Lubos siyang nagduda ng mag-email si Bill na ayos na ang kanyang visa at passport. Sa pagkakataong ito nagising na si Johan sa katotohanan.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pag-eemail niya kay Bill at sa Manila@Canadian Embassy.
“Papaano nila nasabing handa na ang Visa ko kung mismong pasaporte ko ang binalik sakin sa di malamang kadahilanan?” mariing sinabi ni Johan.
Sa pagsasaliksik ni Johan sa internet nabasa niya sa mga artikulo ang 214 Visa Scam kung saan dawit ang Havas Royal Hotel. Ayon sa kanyang nalaman ang naturang scam ay hawak ng malaking grupong pinamumunuan ng Canadian, Pilipino, African Nationalities.
Kaya na man ini-refer namin si Johan kay NBI Chief of Anti-Human Trafficking Division Atty. Ferdinand Lavin at sa Division ng NBI na humahawak ng Computer Crimes sa ilalim ng E-Commerce Law para sa mas masusing imbestigasyon sa kasong visa scam na kinasangkutan ng Havas Royal Hotel.
ANG PUNTO NAMIN SA CALVENTO FILES, ang kwento ni Johan ay maging isang babala para sa mga desperadong magtrabaho, maging maingat sa pag-aapply at maging mapanuri sa trabahong inaaplayan. Para naman sa Havas Royal Hotel, hindi dapat pinapabayan ang mga “kumpanya-kuno” na kagaya ninyo na umano’y mapagsamantala’t mapanlinlang, Gaano pa man kalaki ang nasabing 214 Visa Scam na iyan ay wala kayong kawala sa kamay ng batas! At sa ating mga kababayaan tandaan ninyo tanga ang laging biktima sa kamay ng mapaglinlang, kung buong tiwala ang ibinigay mo tiyak na sa kangkungan ka pupulutin.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email: tocal13@yahoo.com