SABOG na ang nationwide poll automation. Kasalanan lahat ng Comelec. Pinapanalo nila ang consortium ng Total Information Management ng Pilipinas at Smartmatic ng Barbados dahil lang sa pinaka-murang bid na P7.2 bilyon, miski hindi pa pala ayos ang incorporation sa Securities and Exchange Commission.
Nauna rito, pinalayas nila ang dalawa pang bidders dahil hindi pa rin incorporated, sa ilalim ng batas sa partnership na 60% Pilipino at 40% dayuhan. Pero pinalusot ang TIM-Smartmatic dahil may malakas na backer — malapit sa Malacañang.
Lumalabas na ang Kastilang Pilipino na may-ari ng TIM ay malapit sa Kastilang-Pilipinong pamilyang Aboitiz. Ang Aboitiz family ay cronies ng First Couple. Nakapag-palawak sila ng negosyomg kuryente dahil sa koneksiyon sa administrasyong Arroyo. Nabistong isa-subcontract pala ng TIM-Smartmatic sa Aboitiz Group ang delivery at pagbodega ng 82,200 voting machines para sa 2010 elections. Para na rin nila pinapasok ang bayawak sa manukan. Hindi maari ipagkatiwala sa mga Aboitiz ang maseselang makinang pang-automated elections, dahil baka mauwi sa automated cheating. Hinala pa naman ng marami na balak nina Gloria Arroyo at mga kasapakat ng poli-tiko na manatili sa puwesto sa anomang paraan. Dati nang maraming kontrata ang Aboitizes sa Comelec.
Away-pera lang umano ng TIM at Smartmatic ang dahilan kaya umaatras ang TIM sa partnership. Kesyo raw nais kontrolin ng dayuhang Smartmatic ang pondo at produkto miski 40% lang ang pag-aari nito sa joint venture. Kesyo rin daw, ani Rep. Teddyboy Locsin, masyadong ganid ang TIM dahil humihingi sa Smartmatic ng kalahating bilyong pisong tubo kapalit ng pagsuko nito ng mga awtoridad bilang 60% majority. May mga ulat naman na tinabangan ang TIM sa automation mula nang mamataang nakiki-pag-pulong ang Smartmatic executives sa mga Aboitiz at kay First Gentleman Mike Arroyo sa otel sa Makati.
Kaso kapag pinanghi- masukan na raw ni FG Mike ang anomang proyektong gobyerno, halimbawa NBN-ZTE, nasasalaula ito dahil tiyak na hihingi siya ng “tong-pats.” Sira talaga!