SA title pa lamang ng kolum na ito, marahil ay marami na ang natatawa, napapakamot sa ulo at di makapaniwala.
Maaaring ang ilan habang binabasa ang bawat nasusulat sa espasyong ito kung ito ba ay totoo o nag-pa patawa lamang ang BITAG.
Isa itong hubo’t hubad na katotohanan na kasalukuyang iniimbestigahan ng BITAG.
Isang reklamong sanhi ng baluktot na paggamit ng kapangyarihan bilang otoridad ng hustisya.
Nakakatawa subalit nakakaawang sitwasyon para sa isang umano’y suspek na isang taong hindi man lang nakakapagsalita at hindi nakakarinig.
Sa salitang kalye, isang pipi at bingi ang binasahan ng hatol ng piskal na siya’y nagkasala.
Ang siste, wala man lamang representante ang sus-pek daw na sign language interpreter upang habang siya’y binabasahan ng hatol, maintindihan niya man lamang na siya’y nagkasala sa batas at kung ano ang kanyang nilabag.
Ang pinakamasahol, wala ring kamag-anak ang sus-pek na nabasahan nang araw na iyon ng hatol. Ang araw na ito ay ang preliminary hearing pa lamang sa pagitan ng nagrereklamo at inirereklamong may kapansanan.
Ang kasong isinampa, paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-child Abuse, exploitation and discrimi- nation law.
Ayon sa siyam na taong gulang na nagrereklamo laban sa suspek na hindi nakakarinig at nakakapagsalita, sinitsitan daw sila nito at ipinakita ang ari.
Nakapagsumbong ang bata sa ina at agad naman itong naitimbre sa tanggapan ng Barangay sa Santolan, Pasig City kung saan dali-daling inaresto ng bara ngay ang itinuturong suspek.
Nakulong sa istasyon ng pulis hanggang tuluyang maipasok sa City Jail. Subalit laking pagtataka ng BITAG nang tunguhin namin ang bilibid, ang binasang hatol, nakapetsa ng Mayo 2009.
Samantalang ang preliminary hearing na nabanggit, ginanap nitong Hunyo lamang. Malinaw na isang hokus-pokus ang naganap rito kung saan napag-alaman naming kamag-anak ng nagreklamo ang piskal na humawak daw sa kaso.
Kasama ang National Council on Disability Affairs (NCDA), tutuldukan ng BITAG ang kabuktutang ito. Hahabulin at hahabulin namin ang dapat managot at gumawa ng baluktot sa kasong ito. Abangan!