(Ang tulang ito ay handog ng awtor sa yuma-ong ama at ina ni Ronnie M. Halos, Opinion Editor ng Pilipino Star NGAYON at PangMasa.)
Magkasunod na namatay
ama’t ina ng tahanan –
Kaya ibig na sabihin
ayaw nilang mag-iwanan;
Sadyang ganyan ang magkasi
na matapat sa suyuan
Silang dalwa ay mapalad
pinagpala ng Lumalang!
Pambihirang nagaganap –
kamatayang magkasunod –
Ayaw nilang may mawalay
sa daigdig na maharot;
Pagka’t sila’y nagsumpaang
magsasama silang lubos
Nang mawala ang nauna –
pangalawa ay sumunod!
Kaya naman ang nangyari
ay kambal na kamatayan –
Pagka’t sila’y dalwang puso
na matapat sa sumpaan:
“Tayong dalwa’y magsasama
sa ligaya’t kalungkutan”
Ang sumpaa’y pinagtibay
ng Diyos sa kalangitan!
Ama’t ina ay yumao
na ang puso’y magkarugtong –
Nauna ng isang linggo
yaong isa at kinaon –
Ang naiwang mahal niyang
nalulumbay sa maghapon
Kaya sila ay masayang
magkapiling kapwa ngayon!
Ang naiwang mga anak
lumuluha’t nalulungkot
Pagka’t sila ay nawalan
ng magulang na mairog;
Ang mawalay sa magulang
sa panahong di pa hinog
Ay masakit at mahapdi
sa naiwang mga hinlog!
Pero kayo’y may kasama
sa pighating dinaramdam –
Pagka’t kayo’y may karamay
na maraming kaibigan;
Dasal ninyo’t dasal namin
magsasanib sa altaran
Kami rin ay tumatangis –
kami rin ay nagdaramdam!