Pagtataas sa parking fees sa QC tinututulan
MAY panukalang ordinansa sa Quezon City para itaas ang parking fee sa mga sasakyan. Pero ngayon pa lang ay mahigpit nang tumututol dito ang mga negosyante. Natural na reaksyon ng tao iyan sa tuwing ang pag-uusapan ay taas-singil lalu na ngayong mayroon tayong krisis-pinansyal sa buong mundo. Dapat marahil ay dumaan sa public consultation ang panukala bago maaprobahan.
Sa ilalim ng panukala, ipapataw ang parking fees na mula P20 hanggang P150 sa bawat kotse, SUVs, vans, bus at truck sa unang tatlong oras sa mga lugar na tataguriang “places of special interest.” Layunin ng panukala na makalikom ng kita para sa mga barangay, mapangalagaan ang peace and order, maibsan ang masikip na trapiko, maiwasan ang carjacking, at magbigay empleo sa mga barangay tanod. Kaso, negatibo ang reaksyon dito ng mga negosyanteng may bahay-kalakal sa QC.
Kaugnay nito, isang position paper na inihain sa committee of ways and means ng Sangguniang Panlungsod ng Quezon City. Ayon kay Edwin Rodriguez na kumakatawan sa Tomas Morato Business Club, ang ordinansa ay “wala sa panahon, walang katwiran at kontra sa tao.” “Mapang-api” raw ang panukala dahil sa pabigat sa mga may-ari ng kotse at ibang motorista na kasalukuyang nahihirapan na rin sa tumataas na presyo ng petroleo at pagmimintini ng sasakyan.
Ayon kay Rodriguez, wala sa katwiran ang pa nukalang batas dahil sobra-sobra ang kita ng Quezon City Government na hindi naman nagagastos. “Napakahirap unawain para sa amin kung bakit ipinagtutulakan ang panukalang batas gayong hindi naman nagagastos ng Quezon City Government ang mga nakolektang kita,” ani Rodriguez.
Lagi namang politically repulsive ang ganyang mga ordinansa dahil ang apektado ay bulsa ng taumbayan. Kaya siguro’y marapat daanin sa pagdinig-publiko ang mga panukalang katulad niyan. Wika nga, walang hindi naaareglo sa mabuting pag-uusap.
- Latest
- Trending