SAMPUNG buwan na lamang at election na. Hindi lamang ang Commission on Elections (Comelec) ang abalang-abala sa kasalukuyan kundi pati na rin ang mga pulitikong tatakbo. Marami sa mga pulitiko ang gumagawa na ng hakbang para masiguro ang kanilang panalo sa election. Karaniwang ang mga pulitikong nasa lalawigan ang nagpapalakas ng puwersa at kabilang sa kanilang pagpapalakas ay ang pagbubuo ng mga tauhang sapat ang armas. Ito ang kanilang pantapat sa kalaban para ganap na manalo sa laban. Ang kanila rin namang kalaban ay ganoon din ang iniisip, kaya madugo ang hinaharap na eleksiyon. Kahit na matuloy ang automation at maging madali ang bilangan, ang iringan sa pagitan ng magkalabang pulitiko ay sumisiklab.
Pero may magagawa ang Philippine National Police (PNP) sa problemang ito. Paigtingin lamang ng PNP ang kampanya laban sa loose firearms ay mababawasan ang madugong labanan ng magkalabang pulitiko. Nararapat nang magsagawa nang pagsalakay ang PNP sa mga inaakala nilang taguan ng armas ng pulitiko. Karaniwang ang mga pulitikong nag-iingat ng armas ay yung matagal nang nasa puwesto. Bilang proteksiyon sa sarili kaya sila nagmi-maintain ng armory at may mga tauhan na handang lumaban sa kabilang partido.
Ayon sa PNP, minomonitor na nila ang pitong election hotspots sa bansa. Nagkakainitan na umano ang mga magkakalaban sa pulitika kaya naman sinusubaybayan na nila. Sabi ni PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa, ang mga itinuturing nilang hotspots ay ang Nueva Ecija, Abra, Masbate, Lanao del Norte, Lanao del Sur; Maguindanao at Sulu. Ang mga nabanggit na lugar ang itinuturing na mabigat ang banggaan ng mga pulitiko. Ginawa pang halimbawa ni Verzosa ang mahigpit na rivalry ng mga pulitiko sa Masbate kung saan ang suspect sa pagpatay kay Masbate Rep. Moises Espinosa ay nakatakas.
Sinabi pa ni Verzosa na mapipigil lamang ang kaguluhan kapag nakontrol ang pagkalat ng mga di-lisensiyadong baril. Ang pagkalat umano ng mga baril ang isa sa mga problema kapag sasapit ang election kaya nararapat na itong masawata sa kasalukuyan.
Sampung buwan na lamang ang natitira kaya naman dapat nang paigtingin ng PNP ang pagsamsam sa loose firearms. Huwag nang hayaang magkaroon pa ng mga komprontasyon ang mga magkakalaban sa pulitika. Sampahan naman agad ng kaso ang mahuhulihan ng di-lisensiyadong baril.