Clubhouse... lugar kung saan idinaraos ang mga okasyon o aktibidades ng mga homeowners at opisyales ng isang asosasyon sa isang subdibisyon.
Abril 2,2009... Nabalot ng tensyon ang clubhouse ng Cuidad Grande Village. Nagkapilipitan ng kamay.... Nagkaron ng sampalan at palitan ng mga maaanghang na salita... Ngayon, demandahan at “prosecutor’s office” humantong ang hindi pagkakaunawaan ng mga opisyales ng nasabing lugar at mga miyembro nito.
Ito ang kwento ibinahagi sa amin ni Irene Juliano 59 taong gulang ng Pasig City.
Taong 1985 nabili ni Irene ang lupa sa Cuidad Grande Executive Village sa pamamagitan ng pagloan sa SSS. Sa halos mahigit na isang dekada niyang paninirahan dun ay wala umano siyang naging problema.
Ayon sa kanya, lahat ng mga tao sa kanilang lugar ay kanyang kinakaibigan upang sa oras ng pangangailangan ay meron siyang maasahan.
Nagsimula umano ang gulo ng magkapalitan ang mga namumuno sa kanilang subdivision.
Pebrero 2009 ay nagkaroon ng alitan si Irene at si Herminia Carlos isa sa officer sa kanilang lugar. Nagpahayag umano si Herminia na ang mga taong bumibili ng lupa ay dapat alam ang kanilang resposibilidad.
“Alam ko naman kaya siya nagpaparinig sa akin dahil hindi na ako nagbabayad ng monthly dues namin na 300 pesos,” sabi ni Irene.
Pinalagpas ni Irene ang mga sinasabi laban sa kanya ni Herminia. Iniiwasan na lamang niya ito upang hindi magkaroon ng gulo ayon ito kay Irene.
Marso 2009 kinausap ni Herminia si Irene at pinipilit itong magbayad sa kanilang monthly dues. Nagmamatigas si Irene na hindi siya magbabayad dahil wala naman raw nababago sa kanilang lugar. Sa kwento ni Irene, ginagamit lamang umano ng mga officers ang perang kanilang sinisingil sa kanilang pansariling libangan.
Abril 2, 2009 bandang alas kwatro ng hapon napansin ni Irene na nasa clubhouse ang ilang officers at parang nagkakasiyahan.
Nakita niya na sila’y nag-iinuman kasama ang kanilang mga asawa at may mga bagay na napansin siya na hindi maganda.
“Sinita ko sila nun dahil ang ingay-ingay nila. Tawanan sila ng tawanan na parang wala silang pakialam sa mga tao sa kanilang paligid tinuringan na mga officers sa aming lugar tapos ganun mga pag-uugali nila,” ayon kay Irene.
Nagulat ang mga opisyal ng kanilang kumunidad sa ginawa ni Irene na sila ay pinagsabihan. Nagkaroon ng sagutan sa pagitan nila Irene, Herminia at Nora Sobreviñas. Napigilan naman ng mga iba pang officers ang kanilang palitan ng mga maaanghang na salita ngunit ayaw nilang magpaawat. Tinawag nila Nora at Herminia si Joel Escasinas upang tulungan umanong awatin si Irene.
“Kinausap din ako ni Joel na tumigil na raw ako sa pagsasalita at magbayad na lamang raw ako ng monthly dues dahil wala naman akong naitutulong sa kanila. Sinampal ko siya nun dahil ang bastos ng kanyang bibig at sinisigawan ako,” pahayag ni Irene.
Nakita ni Eric Tamundong at Romy Birung ang ginawa ni Irene kay Joel kaya nagpasya sila na mamagitna sa kaguluhan.
Hinawakan ni Romy si Irene sa kanang kamay nito at pinilipit samantalang sa kaliwang kamay naman naka hawak si Eric ng mahigpit.
Pinagbantaan umano ni Romy si Irene na ipapakulong niya ito sa ginagawa niyang panggugulo sa kanila.
“Sinabi pa nga niya sa akin na dati raw siyang koronel kaya dapat raw ay mag-iingat ako sa mga pinaggagawa ko sabay tulak ang umakmang sasaktan ako kaya tumakbo na ako para humingi ng tulong,” sabi ni Irene.
Bandang alas syete ng gabi ay nagpasyang magsumbong si Irene sa gwardya ng subdivision upang magpatawag ng pulis. Kasama ni Irene ang Pulis Pasig at ang gwardya nagpunta sila sa clubhouse ngunit wala na silang nadatnan na tao.
Tinanong ng pulis kung bakit walang rumespondeng gwardya sa clubhouse gayong may nangyayari ng kaguluhan sa loob ng village. Nagpasya sila na puntahan sa bahay ni Romy upang maimbitahan sa pulis station ngunit hindi sila nilalabas.
Pinayuhan si Irene ng mga pulis na magpunta sa doktor upang mabigyan siya ng karampatang lunas at magpa ‘medical examination’.
Ayon sa pagsusuri ni Dr. Maoche Nemis ng Rizal Provincial Hospital siya ay nagtamo ng contusion right ang left wrist; abrasion right hand.
Abril 3, 2009 nagpunta sa barangay upang magsampa ng reklamo laban sa kila Herminia, Nora, Eric at Joel.
Abril 7, 2009 nagkaroon ng pagdinig ng kanyang reklamo. Hindi sila nagkasundo sa barangay at nagkaroon ulit ng tensyon sa pagitan ng dalawang panig.
“Binaliktad nila lahat ng mga reklamo ko sa kanila. Hindi raw ako nagsasabi ng katotohanan at sinabihan pa akong sinungaling kung anu-ano pa ang mga sinasabi nila sa akin na hindi magaganda,” pahayag ni Irene.
Hindi nagkasundo ang dalawang panig sa barangay kaya nagpasya na magsampa ng kaso si Irene sa ginawa sa kanya.
Mayo 20, 2009 nagpunta si Irene sa Pasig Police Station upang ireklamo ang panig ni Nora.
Naisampa ang kasong Unjust vexation, Physical Injuries, at Threats.
Nagsampa rin ng kontra salaysay ang kabilang partido at lahat ng mga inirereklamo ni Irene ay pinabulaanan ng mga ito.
Lumapit siyang muli sa amin at pinayuhan siya ng isang abogado mula sa Public Attorney’s Office na kung wala naman siyang maidadagdag sa kanyang una niyang salaysay mas mabuti na hindi na sagutin at hayaan na lang ang ‘investigating prosecutor’ na resolusyunan ang kanilang usapin.
Sa ngayon sinusuri at tinitimbang ni Prosecutor Joselito de Asas ng Pasig City sa kanyang reklamo.
Sa ganang amin dito sa calvento files, ang isang opisyal ng komunidad ay siyang dapat nagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa kanyang nasasakupan.
Kung totoo ngang pinagtulungan si Irene ng mga opisyal ng barangay sa madaling salita ay lumabag sila sa batas.
Sa kabilang banda, ikaw naman Irene, marahil ay naging masyado kang agresibo sa paninita sa mga opisyal ng iyong asosyanon. Bilang miembro o homeowner ng Cuidad Grande Village ay meron kang responsibilidad na magbayad ng inyong monthly dues. Nakikinabang ka rin naman sa mga ‘amenities’ nitong village na ito.
Isang mapayapang solusyon ang hangad namin at hindi isang mahabang paglilitis na bandang huli lahat kayo lugi sa inyong oras, pera at pagod.
Para sa isang balanse at patas na pamamahayag tinatawag namin ang lahat ng mga personalidad na nakaladkad sa artikulong ito para magbigay ng kanilang panig. (Kinalap Ni Den Viaña)
Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Email: tocal13@yahoo.com