Maraming kulang sa gobyerno kaya naman mahina ang asenso at patuloy ang kadahupan na nararanasan. Noon pa binabatikos na ang kahinaan sa mabubuting pamamahala at ang paglaban sa mga corrupt. Pero wa epek ang mga batikos sapagkat patuloy pa rin sa maling sistema. Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa estilo ng pamumuno at paglupig sa mga kurakot, kawawa ang bansang ito na lalo pang maiiwan ng mga katabing bansa sa Asia.
Nakatuon ang mga mata ng World Bank (WB) sa Pilipinas kaya hindi maaaring makaligtas sa mga maling gawa kapag ukol na sa pamumuno at paglupig sa mga kurakot ang pag-uusapan. Sabi ng WB sa kanilang Worldwide Governance Indicators (WGI) 1996-2008, okey na raw sana ang ginagawa ng gobyernong Pilipinas na pagwasak sa corruption, pinaglalaban ang batas at pinananatili ang political stability subalit, kulang na kulang pa rin ang ginagawang ito. Malayung-malayo ang agwat sa ginagawa ng mga kalapit bansa para maisaayos ang kanilang gobyerno at ganoon din sa paglaban sa corruption.
Maganda na raw sana ang score ng Pilipinas sa paglaban sa corruption na 26.1 percent noong 2008 kumpara noong 2007 na 22.2 percent. Pero kulang pa rin ang 26.1 percent na nakuha sapagkat ang average para sa region ay 45.1 percent. Sa pagpapatupad ng batas, 39.7 percent ang nakuha noong nakaraang taon kumpara sa 33.8 percent noong 2007, subalit ayon sa WB, mababa pa rin ang nakuha ng Pilipinas sapagkat ang average para sa rehiyon ay 52.9 percent.
Kulang sa mabuting pamumuno at kulang ang ngipin laban sa mga kurakot. Walang ipinagkaiba sa mga nakaraan na pawang pagbabanta lamang sa mga matatakaw at wala ring nangyayari. Patuloy ang pagnanakaw sa kaban ng yaman. Maraming kaso ng pangungurakot na isinampa sa mga opisyal ng gobyerno na hanggang ngayon ay wala pa ring napaparusahan. Maraming taong gobyerno na nagpapasasa sa kabang-yaman kaya naman patuloy ang pagdarahop ng mamamayan.
Kung magkakaroon ng mahusay na mamumuno ang bansang ito sa hinaharap, bakasakaling makabangon. Kung hindi, kawawa lalo.