Suspek sa hit and run, tinugis ng HPG at BITAG!
Nakasanayan na ng ilang motorista na umiwas at tumakbo sa kanilang mga kinasasangkutan sa kalsada.
Isa na rito ay mga aksidenteng hindi naman kagustuhan ng motoristang nagmamaneho ng kanilang sasakyan.
Subalit madalas, imbes na panagutan at harapin ang kasalanan, tinatakbuhan at walang kaabug-abog na tinatakasan ang kanilang pananagutan.
Ganito ang nangyari sa labing-isang taong gulang na batang lalaking lumapit sa BITAG. Kasama ang kanyang umiiyak na ina, ipinakita nito sa BITAG ang binting halos lumabas na ang buto sanhi ng pagkakabangga.
Ang masaklap nito, tinakbuhan siya ng drayber nang nakabanggang motor. Mabuti na lamang at isang jeepney driver ang nakasaksi sa pangyayari at nakuha ang plaka ng suspek.
Dahil dito, agad nakipag-ugnayan ang BITAG sa tanggapan ng Land Transportation Office-Verification Section upang matukoy kung sino ang nagmamay-ari at kung saan nakatira ang tumalilis na suspek.
Sa beripikasyon ng LTO, sa Navotas matatagpuan ang nagmamay-ari ng na-plakahang motor.
Kaya sa tulong naman ng Highway Patrol Group-National Capital Region (HPG-NCR) natunton ng BITAG ang address ng nagmamay-ari ng nakabanggang motor.
Subalit wala sa nasabing lugar ang suspek kung kaya’t isang imbitasyon na lamang ang iniwan ng HPG-NCR sa kanilang tanggapan.
Nitong Lunes ng hapon, sumulpot ang suspek na nakabangga sa labing-isang taong gulang na biktima. Hindi na ito pinalampas ng BITAG at tinungo namin ang tanggapan ng HPG-NCR upang makaharap ang kolokoy.
Wala na itong kawala, ang kanyang dahilan, hindi niya raw napansin na nasugatan ang bata kaya’t dumire-diret so na lamang siya ng alis.
Sa BITAG, hindi pinag-uusapan kung nasugatan o hindi ang isang biktima, kung kagustuhan o hindi kagustuhan ang aksidente o kung sinasadya o di sinasadya ng nakabangga.
Bilang isang motorista, may obligasyon at responsibilidad na dapat sinusunod kapalit ng pribilehiyo ng pagka karoon ng lisensiyang magmaneho.
Isang magandang aral din sa kasong ito ang partisipasyon ng mga witness o saksi sa mga insidente. Dahil sa kanilang mga impormasyon sa nakitang kaganapan, madaling nareresolba ng mga alagad ng batas ang problemang tulad nito.
Mensahe naman ng BITAG sa iba pang motoristang nagbabalak tumakbo sa kanilang mga aberya sa kalsada, oras na kayo ang maisumbong sa aming tanggapan, hindi kami mangingi-ming tugisin kayo sa tulong ng LTO at HPG.
Magtago lang kayo nang magtago, sisiguraduhin ng BITAG kasama ang HPG na pananagutan at pananagu-tan niyo sa batas ang inyong nagawang kasalanan.
- Latest
- Trending