Merong sindikato sa Comelec na namemeke ng balota, precinct returns, at iba pang dokumentong panghalalan. Natalisod ito ng batikang election lawyer Romy Macalintal habang inaasikaso ang isang kliyente. Nag-report siya agad sa commissioners. Kataka-taka, dinedma lang nila siya. Ito’y matapos nilang paboran ang kalaban na nakinabang sa pekeng papeles.
Nagsimula ang lahat nang iprotesta ni talunang Esgardo Tallado ang proklamasyon nu’ng 2007 ni Camarines Norte Gov. Jesus Typoco. Umano’y maraming “manifest errors” sa statement of votes by precinct (SOVP) sa bayan ng Labo. Isinampa ang kaso 110 araw makalipas ang proklamasyon, pero tinanggap pa rin ng Comelec first division miski nililimita ng batas ang mga ganoong kaso sa loob ng limang araw lang mula pro klamasyon. Giit ng division members na may kapangyarihan silang ibahin ang rules. Nu’ng Abril 2008 idineklara nila si Tallado na umano’y nagwagi nang 65 boto.
Hinirang ni Typoco si Macalintal na mag-motion for reconsideration sa en banc. Ang unang ginawa ng abogado ay hingin sa records office ang SOVP ng Labo, na basehan ng desisyong maka-Tallado. Laking gulat niya nang sabihin ng office chief at staff na peke ang dokumento at malaki ang pagkakaiba sa karaniwang SOVP. Isiningit ito ni Macalintal sa motion.
Ganunpaman nu’ng Peb. 2009, kumatig ang mayorya ng en banc sa desisyon ng division pabor kay Tallado. Pakiwari ni Malalintal matagal nang inakda nina Commissioners Nicodemo Ferrer (ponente), Leonardo Leonida, Lucenito Tagle, at Armando Velasco ang ruling, bago pa niya madiskubre ang pamemeke. Si Commissioner Rene Sarmiento lang ang kumontra, at nagmungkahing bilangin muli ang boto sa Labo. At pahabol lang, inutos ng en banc sa NBI na imbestigahan ang umano’y pamemeke.
Naghukay din si Macalintal. Napansin niya sa logbook ng records office na ni hindi pala hiningi ng mayorya ang SOVP ng Labo. Umasa lang sila sa sabi-sabi ni Tallado ng “mani-fest errors.” Nu’ng Mayo kinumpirma ng NBI ang forgery. Pero hanggang ngayon walang aksiyon ang Comelec.