EDITORYAL - Iligtas ang mga Pinay sa kuko ng drug syndicates
Kawawa ang mga Pilipinang ginagamit ng local at foreign drug syndicates. Sila ang nasasadlak sa kulungan at napaparusahan ng kama-tayan dahil sa pagkakasangkot sa pagta-transport ng illegal drugs lalo ang methamphetamine hydrochloride o shabu sa ibang bansa. Malawak ang galamay ng sindikato at ginagamit ang mga Pinay bilang “taga-bitbit” o “taga-dala” ng shabu kahit saang panig ng mundo.
Patunay dito ang isang Pinay na ginamit ng Nigerian drug syndicate para magbitbit ng shabu patungong Peru. Ni-recruit umano ang Pinay para magtrabaho sa Lima, Peru. Pinangakuan ito ng magandang trabaho at malaking suweldo. Mula Bangkok, nagtungo ang Pinay sa Brazil, at mula roon ay nagtungo na sa Peru para doon ma-meet ang drug syndicates na contact ng recruiter. Subalit nabulilyaso ang plano. Nahuli ng mga awtoridad ang Pinay sa Lima. Nakatakas naman ang mga miyem-bro ng drug syndicates at pati ang contact na recruiter. Ang Pinay ang kasalukuyang nagdurusa sa kulungan.
Isa pa rin sa modus ng Nigerian drug syndicate ay ang pagpapaibig sa mga Pinay at kapag nagka-roon na sila ng relasyon ay gagamitin na ito bilang “taga-bitbit” ng shabu. Sa report ng Blas F. Ople Policy Center, tinatayang 500 drug cases ang kinasasangkutan ng mga Pinoy sa ibang bansa. Pinakamarami ang sa China, 210 cases.
Sa 2009 World Drug Report ng United Nations Office on Drugs and Crimes, ang Pilipinas ay ikalima sa mundo sa dami ng nakumpiskang shabu mula 1998 hanggang 2007. Nakaaalarma ang ganitong balita at maaaring manguna ang Pilipinas kapag hindi nasugpo ang mga sindikatong nagma-manufacture ng shabu.
Malubha ang problema sa illegal drugs sa bansa at dapat tutukan ng pamahalaan. Durugin ang mga sindikato ng illegal drugs para mailigtas ang Pinay na ginagawang “tagabitbit” palabas ng bansa. Kumilos pa nang todo ang PDEA para masawata ang mga sindikato ng droga.
- Latest
- Trending