LAGING sinasabi ng Philippine Drug Enforce-ment Agency (PDEA) na pilay na ang mga nagma-manufacture ng illegal drugs sa bansa lalo na ang shabu subalit kung oobserbahan ang mga nangyayari sa kasalukuyan, tila walang katotohanan ang kanilang sinasabi. Paano’y lalo pang naging agresibo ang mga gumagawa ng shabu at nagtayo pa ng mga laboratoryo — may laboratoryo sa Parañaque, Quezon City, Valenzuela City at Maynila.
Hindi tumitigil ang mga gumagawa ng shabu na karaniwang mga Chinese. Halos lahat ng mga naarestong gumagawa ng shabu ay mga Chinese. Marami nang nakakulong na Chinese subalit wala pa ring kadala-dala at pagkatakot ang iba pa. Maaaring magsikip ang bilangguan dahil sa mga Chinese na ikinukulong dahil sa paggawa ng shabu. Kung hindi inabolished ang parusang kamatayan, maaaring hindi magsisikip ang mga bilangguan sapagkat tuturukan na lamang nang tuturukan ang mga Chinese na mahuhuli sa shabu.
Sa raid na isinagawa noong nakaraang Huwe-bes sa Quezon City, isang Chinese ang nadakip at inamin nito na marami siyang shabu labs sa Metro Manila. Meron din siyang laboratoryo sa Cotabato City at iba pang probinsiya. Pawang mga Pinoy ang kanyang tauhan. Ang Chinese na nagngangalang Peter Chou ay “master chemist” ng “Tiger Group of the Chinese Triad”. Ayon sa mga pulis kayang gumawa ni Chou ng tatlong kilong shabu sa isang araw. Suma total, nakagagawa siya ng 90 kilos ng shabu sa isang buwan. Ang halaga ng shabu na napo-produce bawat buwan ay nagkakahalaga ng P1 bilyon.
Wala nang takot ang mga Chinese na magtu-ngo rito sa Pilipinas at dito gumawa ng shabu sapagkat malambot ang batas dito. May mga alagad ng batas dito na maaaring tapalan ng pera at presto, maaari nang makatakas gaya ng nangyari sa Camp Crame noon na dalawang drug traffickers ang nakatakas.
Malaki ang aming tiwala sa PDEA na kaya nilang lupigin ang mga salot na gumagawa ng shabu. Sana bagsikan pa nila ang paghahanap at pagtugis sa mga ito at nang mawala na ang problema.