AYON sa pag-aaral na ginawa ng Earthquakes and Megacities Initiative at sinabing kapag nagkalindol ng magnitude 7 sa Metro Manila, maaaring 16,000 gusali ang mawawasak samantalang 150,000 katao naman ang masasaktan. Ang ganitong pag-aaral ay nagdudulot ng pangamba at maaari rin namang magsilbing babala sa mga awtoridad para magkaroon ng paghahanda sakali at magkaroon ng lindol. Pero ang tanong ay meron nga bang kahandaan sa ganitong kalamidad? Mayroon bang kakayahan ang pamahalaan para mabigyan ng inpormasyon ang mamamayan.
Maaalala ang malakas na lindol noong July 16, 1990 na tumama sa Baguio City at Nueva Ecija kung saan, 1,621 katao ang namatay. Ang lindol na iyon ang maituturing na pinakamalakas sa kasaysayan sa Pilipinas. May hotel na nawasak sa Baguiio City at maraming nalibing nang buhay. Maraming building ang nawasak at pati lupa ay bumiyak.
Ang Phivolcs mismo ang nagsabi na ang ka-walan ng kahandaan sa pagtama ng lindol ang magdudulot sa grabeng pagkawasak ng mga establisimento. Anang Phivolcs, 38 porsiyento ng mga gusali, 14 porsiyento ng high rise buildings at 35 porsiyento ng public buildings sa Me-tro Manila ang mawawasak.
Sinabi naman ng isang opisyal ng United Nation na isang malakas na lindol ang maaaring mangyari. Ang tanong ay kung kailan ito mangyayari. Pero ang tiyak daw ay may lindol na magaganap.
Dapat maghanda sa pagsapit ng lindol para mabawasan ang pinsala. Hindi dapat ipagwalambahala ang paalala ng Phivolcs. Ang pamahalaan ang dapat na manguna sa kampanya para mapaghandaan ang lindol. Magsagawa ng earthquake drills sa mga school at magkaroon ng palagiang inspeksiyunin sa mga gusali. Hindi naman maganda na kung kailan lumilindol na saka gagawa ng mga hakbang ukol dito.