KARANIWANG itinatanong sa akin ng readers ay may kinalaman sa stroke. May posibilidad daw ba na ang isang na-stroke na ay magka-stroke muli. Ano raw ba ang mga gamot na dapat para sa stroke.
Ang stroke ay ang pagkamatay ng brain tissues. Nangyayari ito kapag mahina ang daloy ng dugo at kakaunti ang supply ng oxygen sa utak. Ang stroke ay tinatawag ding cerebrovascular accident samantalang ang brain death ay tinatawag namang cerebral infarction.
Maaaring ang isang taong na-stroke na ay ma-stroke na muli. At maaari itong mangyari kahit kai-stroke pa lamang niya. Ang stroke ay isa sa mga pangunahing dahilan ng kamatayan hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa maraming bansa. At nananatiling walang treatment para mapigilan ang pag-ulit ng stroke.
Hanggang sa gamitin ang aspirin para mapigilan ang muling salakay ng stroke hanggang sa may mga matuk-lasan pang gamot pero sobra naman ang mahal.
May mga gamot na natuklasan para pambababa ng cholesterol at ito rin ay mabisa para mabawasan ang muling pag-atake ng stroke at ganoon din ang atake sa puso.
Isang gamot para sa high blood pressure ang napatunayang mahusay din para sa mga stroke victims. Ang Perindophil (generic name) na pinresenta ng European Society of Hypertension ay ginamit sa 600 stroke victims at napatunayang beneficial. Anim na taon itong pinag-aralan at napatunayang mabisa. Nabawasan ng 25 hanggang 50% ang atake ng strokes at atake sa puso dahil sa pagtake ng Perindophil. Napatunayan din na ang mga complications gaya ng dementia (paghina ng memory o mental ability) ay nababawasan.
Ang Perindophil ay available na sa Pilipinas. Pinapayuhan ko na magtanong sila o humingi ng payo sa kanilang mga doktor para malaman ang ibang impormasyon ukol dito. Magtanong din sa mga pharmacist.
Ibig kong ipaalam sa lahat na bukod sa treatment, ang rehabilitation ay mahalaga rin ang papel para mapabilis ang paggaling ng stroke victims.