EDITORYAL - Mabahong rugby
MARAMI nang kabataan ang natuyuan ng utak dahil sa pagsinghot ng rugby. Karaniwan sa mga kabataang lulong sa rugby ay yung mga pala-boy at nabubuhay sa lansangan ng Metro Manila. Karaniwan silang makikita na may hawak na plastic na supot at sinisinghot ang laman niyon. Walang sinasayang sa laman ng plastic at inuubos hanggang sa maibsan ang kanilang pagkasugapa sa rugby. Karaniwang makikita ang mga batang rugby sa kahabaan ng Rizal Avenue, Recto Avenue, Sta. Cruz , Manila area, Blumentritt, ilalim ng tulay sa Balintawak, Quezon City at marami pang lugar sa Metro Manila.
Patuloy pa ang pagdami ng mga batang rugby sapagkat madali lang naman na makakuha o makabili nito sa mga tindahan. Kahit tingi ay makakabili sa tindahan at maski bata ay maaaring makabili. Nasaan na ang sinasabi ng mga awtoridad na maghihigpit sa pagbebenta ng rubgy? Nasaan na ang sinasabing parurusahan ang mga may-ari ng tindahan na magbebenta ng rugby sa mga menor-de-edad? Nasaan din naman ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lilinisin ang mga kalye sa nagkalat na mga batang rugby?
Walang makitang aksiyon sa pamahalaan para masawata ang mga batang rugby. Hindi na nakapagtataka kung bakit patuloy ang pagdami ng mga batang rugby dahil nga sa kawalan ng aksiyon. Sa totoo, kahit na dinadaan-daanan ng mga pulis ang mga batang rugby ay hindi na nila pinapansin na para bang okey lang ang gawaing iyon. Sa ilalim ng tulay ng Balintawak Cloverleaf ay makikita ang maraming batang rugby na kadalasang naglalabasan sa gabi. Nagkulumpon sila sa madilim na bahagi at nagpapatuyo ng utak.
Kahapon, isang hakbang ang inilahad ng Dangerous Drugs Board na may kaugnayan sa rugby. Ito ay ang paglalagay ng sangkap sa rugby para maging mabaho ang amoy nito. Ayon sa DDB isang mabagsik na sangkap ang ihahalo sa rugby para maging mabaho ang amoy. Kapag naamoy ang rugby ng mga lulong dito hindi na nila gugustuhin pang singhutin ito. Ayon kay DDB head Tito Sotto, sa July 1, 2009 uumpisahan ang pagbebenta ng mabahong rugby. Nagbabala si Sotto sa mga tindahan na hanggang June 30 na lang dapat ibenta ang rugby na gingamit ng mga addict.
Isang bagong hakbang ang mabahong rugby para ganap na masawata ang mga nagpapatuyo ng utak. Sana nga ito na ang kasagutan para malutas ang problema sa mga batang rugby. Ipatupad sana ito nang buong husay.
- Latest
- Trending