MARAMING natutunan na mga salita dahil sa AH1N1 na virus. Ang una ay ang salitang “pandemic”, na ang ibig sabihin ay kumakalat ng mabilis ang isang sakit sa buong mundo. Kung baga, umikot na ng mundo ang isang sakit. Ngayon, dineklara na ng DOH na ang Metro Manila ay nasa ilalim na ng isang “low-level outbreak”. Ibig sabihin naman ay masyadong marami na ang naaapektuhan ng nasabing virus sa isang lugar, lalo na mga paaralan na napipilitang magsara pansamantala para lang palipasin ang nakakahawang sakit.
Nakakagulat nga naman ang bilis ng pagkalat ng AH1N1 sa siyudad. At sa mga paaralan pa. Ayon sa DOH, wala na silang oras para malaman kung sino ang unang nagkasakit sa isang lugar, dahil masyado nang marami ang nahahawa. Maganda sana kung malalaman ang unang nagkasakit para malaman ang pinanggalingan ng virus. May mga paaralan nga na wala namang bumiyahe sa ibang bansa, pero marami pa rin ang nagkasakit ng AH1N1. Kaya palaisipan ang pinanggalingan nito.
May babala pa na baka higit dalawamput-limang porsyento ng Pilipinas ang magkakasakit ng AH1N1. Huwag naman sana at siguradong maaapektuhan ang mahina nang ekonomiya ng bansa. Huwag sana tayong magaya sa Mexico, kung saan nanggaling ang sakit, na napilitang “isara” ang buong bansa, para lang tumigil ang pagkalat ng sakit. Ang masama pa, pwede kang magkasakit muli kahit kagagaling mo lang sa sakit. Walang immunity na iniiwan ang AH1N1. Kapag minalas ay iikot-ikot lang ang virus!
Dahil napag-alaman na ang unang namatay na Pili-pino na positibo rin sa A H1N1 ay nagtatrabaho pala sa Kongreso, sinara na muna ang Batasan para ma-disinfect ang gusali kung sakaling may umiikot nang virus. Pinabulaanan din ni House Speaker Prospero Nograles na sa mga kongresistang mahilig bumiyahe ang nagpasok at nagkalat ng AH1N1 sa Batasan. Alam natin na ayaw mapasailalim ang mga banal na mambabatas sa isang quarantine kapag makabalik na sa bansa, dahil pakiramdam nila ay hindi sila hahawaan ng sakit. Anong magagawa ng DOH kung ayaw ng mga diyos na ito? Kaya sino ang makapagsasbi na hindi sa kanila nanggaling? At ang sa akin lang, kahit ano pang tindi ng disinfectant at fumigation ang gawin diyan sa Batasan, hindi pa rin matatanggal ang tunay na marumi sa gusaling iyan. Mga nagpasulong ng Cha-cha na may masama at nakatagong motibo!