Aksyon ni Escudero vs influence peddling
MAGANDA ang isinusulong na bill ni Sen. Francis Escudero. Ito ay naglalayong patawan ng mabigat na parusa ang mga influence peddlers sa pamahalaan na ugat ng talamak na graft and corruption.
Sino ba ang tinatawag na influence peddlers? Sila ang mga taong umaaktong brokers na ang layunin ay hindi makatulong kundi makaparte sa malaking halaga ng proyekto. Madalas, mga matataas na opisyal pa ng pamahalaan ang mga ito na gumagamit ng dummy para huwag sumabit.
Sila ang mga nagboboluntaryong mag-ayos ng mga transaksyon sa mga proyektong tinutustusan ng malaking halaga ng pamahalaan. Matagal nang sakit ito ng pamahalaan. Nag-umpisa sa maliit na proyekto na lumaki nang lumaki. Kaya sa motibong tumabo ng malaking halaga nasasakripisyo ang kalidad ng mga proyekto na tinitipid para mabayaran ang limpak-limpak na komisyon ng mga “komisyuners.”
Ayon kay Escudero, lumalabas sa mga imbestigasyon ng katiwalian sa Senado na kadalasang sangkot ang mga “influence peddler” o mga taga-ayos sa negosasyon sa mga proyekto kaya’t marami ang naibubulsa.
Kasama sa mga anomalyang tinukoy ni Escudero ay ang ZTE broadband deal, ang multi-million peso fertilizer scam at ang sinasabing bid-rigging activities ng mga kontratistang kasangkot sa mga World Bank-funded projects. Ang mga ito, ayon kay Escudero ay kinasangkutan ng mga brokers na ang marami ay mga prominente at kilalang opisyal pa ng pamahalaan.
Talagang matagal nang dapat ginawang krimen ito. Ayon sa Senate Bill 1242 ni Escudero, parusang pagkabilanggong hindi lalampas sa anim na taon at multang P100,000 ang ipapataw sa sinumang nagkaroon ng papel sa ayusan ng mga kontrata ng gobyerno.
Palagay ko, kung opisyal ng gobyerno ang kasangkot ay dapat pang taasan ang parusa. Kung multi-milyon o bilyong piso ang kinapapalooban ng anomalya, dapat lumapat iyan sa kasong plunder na may maximum penalty na life imprisonment.
Ang ipinagtataka ko lang, may batas na nga laban sa plunder o pandarambong na nung araw ay may parusang kamatayan, bakit tila marami pa rin ang walang patumangga kung mandugas sa kaban ng bayan?
- Latest
- Trending